Advertisers
NAKABIBINGI ang pananawagan kay President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr ng iba’t ibang maimpluwensyang samahan ng mga negosyante, na agad ibasura ang pagpapatupad ng “administrative order” na naglalayong mai-digitalize ang lahat ng operasyon sa mga pangunahing pantalan sa bansa – na anila’y “para lamang sa bulsa ng iilang opisyal at bigtime port operator!”
Madilim ang senaryong nakikita ng mga respetadong negosyante kapag ipinatupad na ang Philippine Ports Authority (PPA) Administrative Order 04-2021 (PPA AO 04-2021) at ang Trusted Operator Program-Container Registry and Monitoring System (TOP-CRMS) – na ayon naman sa mga nagpanukala nito ay isang “novel idea” na napapanahon lang para sa modernisasyon ng serbisyo sa mga pantalan.
Reklamo ng mga negosyante, magiging dahilan kasi ang dalawang AO ng mga karagdagang gastos gaya ng insurance fees, transaction fees at trucking fees, na magpapataas lalo sa presyo ng imported goods. Sa ngayon ay lumobo na ang gastos sa pag-aangkat ng produkto halos 50% o tinatayang P35 bilyon kada taon.
Ipinunto rin ng mga negosyante na ang panukalang TOP-CRMS ay duplikasyon lang ng kasalukuyang isinasagawang “digital container tracking and booking applications” ng international shipping lines, terminal/off-dock CY operators. Ito, anila, ay karagdagang layer lamang na pampabigat sa negosyo at walang malinaw na benipisyong makukuha rito ang publiko.
Ang pagpapairal sa PPA AO 04-2021 ay magiging daan umano para malustay ang mahahalagang pondo ng publiko sa ilalim ng pagpapanggap na “digitalization” — gayong ang Bureau of Customs (BoC) ay mayroon nang ginagamit na “World Bank-supported digitalization and modernization strategy” para masupil ang smuggling.
“We respectfully urge the President to remain vigilant against interest groups putting pressure on his administration to implement a flawed program consistently opposed by public and private stakeholders. More alarming than the lack of a sound legal and empirical basis surrounding PPA AO 04-2021 is the additional P35 billion annual importation cost that could once again drive inflation in the Philippines. This amount could easily be magnified by the port congestion that the PPA’s confusing, unnecessary, and flawed TOP-CRMS program may cause,” bahagi ng apela ng business groups.
Ang naturang isyu ay humantong din sa pagdinig sa Senate Committee on Public Services noong April 12, 2024 na pinamunuan ni Senator Grace Poe, at nagsaad na ang TOP-CRMS ay hindi marapat na isulong dahil sa mga komentaryo at testimonials ng private stakeholders at government officials na nagsidalo sa pagdinig.
Aniya, ang PPA ay walang jurisdiction sa isyu ng container deposits at hindi marapat na saklawan ang legislative branch ng gobyerno sa pamamagitan ng House Bill No. 04933, International Maritime Trade Competitiveness Act. Ang bill na ito ay binusisi ng Technical Working Group ng House Committee on Transportation.
Ang PPA AO 04-2021 ay naaprubahan na hindi naiintindihan ng sektor ang isyu at mismong PPA officials ay umaming ang sistema ay hindi maidedesenyo kung hindi malalaman ang problema.
Masaklap, matapos ang halos 2-taon mula nang ipatupad ang AO 04-2021 noong September 22, 2021 ay hindi parin maipaliwanag ng PPA management ang lahat ng isyu patungkol sa TOP-CRMS objectives at Implementing Operational Guidelines dahil sa mga pabago-bagong panuntunan.
Tutol man ang business groups sa nasabing AO ay nagpaabot parin ang naturang sektor na suportado nila ang kasalukuyang administrasyon ni PBBM dahil sa ilalim ng liderato nito ay napababa ang inflation mula sa 8.7% noong January 2023 sa 5.4% nitong June 2023, at ang dahilan sa pagbaba ng inflation ay ang pagbawas sa transportation costs.
“In view of the foregoing, we, the undersigned, stand in unity and appeal to the President to: Urgently and explicitly confirm the repeal of PPA Administrative Order No. 04-2021;and admonish public officials who blatantly disregard valid concerns from the private and public stakeholders and who refuse to follow your administration’s “whole-of government approach” in public administration,” bahagi ng apela ng business groups kay PBBM.
Ang panawagan kay PBBM ay pinangunahan ng mga local at foreign business groups tulad ng Philippine Chamber of Commerce and Industry Inc na pinamumunuan ni George Barcelon; Philippine Exporters Confederation, Inc na pinamumunuan ni Sergio Ortiz-Luis Jr; Supply Chain Management Association of the Philippines sa liderato ni Dennis Llovido; American Chamber of Commerce of the Philippines Inc President Frank Thiel; European Chamber of Commerce of the Philippines President Paulo Duartel at maraming iba pang organisasyon gayundin ng mga International Community na sumuporta sa nasabing apela.
Binigyan din ng business groups ng kopya ng apela ang tanggapan ni Pres. Marcos Jr, Senate President Juan Miguel Zubiri, House Speaker Martin Romualdez, Senate Committee on Public Services Chairperson Grace Poe at iba pang concerned government agencies.