Advertisers
NAKATAKAS ang 13 persons deprived of liberty (PDLs) sa temporary detention facility ng Caloocan City Police.
Sa report kay Northern Police District (NPD) Director, Brig. Gen. Ronaldo Ylagan, kinilala ang mga nakatakas na sina Martin Mama, Gerrymar Petilla, Hudson Jeng, Aldwin Jhoe Espila, Reymark Delos Reyes, Norbert Alvarez, Mark Oliver Gamutia, Jovel Toledo, Jr., Arnel Buccat, Raymond Balasa, Reynaldo Bantiling, Dunacao Aries, at Tejeros Justine.
Base sa security camera footage, gumawa ang mga bilanggo ng maliit na butas sa isang bahagi ng kwarto na nagsisilbi bilang kanilang kulungan.
Ang 31 detainees ay nakulong sa kwarto sa Caloocan City Hall Custodial Facility Unit bago ilipat ang mga ito sa mga pasilidad ng Bureau of Jail Management and Penology.
Sa report, nahaharap sa kasong illegal possession of firearms at drugs ang mga nakapuga, habang ang iba mga minor offense tulad ng paglabag sa curfew.
Nasa 15 ang tumakas mula sa kulungan ngunit nahuli kaagad ang dalawa.
Ang iba sa detainees namalagi ng 21 araw sa facility o lagpas sa 14 araw na incubation period ng virus.
Simula nitong Lunes, dahan-dahan nang sinisira ang likurang pader ng kulungan kungsaan 2 pulis lamang ang naka-ista-syon noong pumuga ang detainees.
Ibinunyag naman ni Caloocan Police chief, Col. Dario Menor, na nagpositibo sa Covid-19 ang 13 detainees na tumakas.
Sinabi ni Menor na base pa lamang ito sa rapid test at kailangan pang sumailalim ng mga nakatakas sa RT-PCR test.
Nagsagawa na ng hot pursuit operations.
Samantala, mahaharap sa kasong administratibo at kriminal ang 2 pulis na naka-ista-syon sa facility nang pumuga ang detainees. Ipinag-utos narin Col. Menor ang pagsibak sa 2 pulis. (Beth Samson)