Advertisers
TUMALON mula sa ikatlong palapag ng gusali ng Manila City Hall ang lalaking naaresto sa pagpapaputok ng baril sa isang manpower agency sa Ermita, Maynila.
Sa kuha ng CCTV ng Manila City Hall, 11:00 ng umaga nitong Miyerkules ay makikitang naglalakad si Lyle Adams Fernandez, 32 anyos, construction worker, sa pasilyo ng gusali kasama ang kanyang escort na nasa unahan.
Ayon sa pulisya, nakatakdang isailalim sa Inquest Proceedings sa opisina ni Assistant City Prosecutor Glen R. Romano si Fernandez nang mangyari ang insidente.
Inasistihan ito ng dalawang pulis na kapwa nakatalaga sa Ermita Police Station.Inaalam pa kung mayroon silang pananagutan o pagpapabaya sa tangkang pagpapakamatay ni Fernandez.
Agad na itinakbo ng MDRRMO Rescue Team si Fernandez sa Philippine General Hospital nang mabali ang kanang binti at magtamo ng mga sugat.
Ayon sa pulisya, buhay si Fernandez at patuloy na ginagamot sa naturang ospital. (Jocelyn Domenden)