Advertisers
Bukas, Oktubre 24, ay nakatakdang magdiwang ng kanyang ika-46 kaarawan si Mayor Isko ‘Kois’ Moreno. Kasabay niyang magdiriwang ang kanyang anak na si Joaquin na magiging 19-anyos naman.
Mula sa pitak na ito, maligayang kaarawan sa mag-ama at sana ay magkaroon pa sila ng maraming-maraming birthdays sa hinaharap.
Kakaiba ang pagdiriwang na gagawin ng mag-amang Moreno ngayong araw ng Biyernes (sa Sabado kasi ay may pribado naman silang selebrasyon).
Pinili nilang makapiling ang mga kapus-palad na kasalukuyang inaalagaan sa mga pribado at pampublikong institusyon.
Proud si Mayor Kois na nagkwento na two-piece chicken with rice at drinks ang kanilang dinala sa mga nasabing institusyon at sabi nga ni Manila social welfare chief Re Fugoso, na siyang nagpapatakbo sa Manila Boys Town Complex, Rasac Covered Court at Canonigo Covered Court, makita lang ng mga naroon si Mayor Kois ay sapat na sa kanila, ‘yun pa kayang nagdala ng masarap na pagkain?
Paborito kasi ni Mayor Kois ang pagkaing ‘yan bata pa siya. Di kaila na basurero si Kois nung bata pa siya at natutunan niyang kumain ng ‘pagpag’ kung saan ang mga natirang manok ay pinapagpag niya para maalis ang kanin na dumikit at nang di ito mapanis. Ipaiinit niya ‘yun sa kawali para daw mamatay ang germs at ‘yun. Okay na.
Alam niya kung gaano kasarap sa mga kagaya niyang walang-wala nung araw ang makakain nito kaya naman ‘yun ang napili niyang ipamigay nila ng kanyang anak.
Iminulat din niya ang kanyang mga sariling anak na laging magpasalamat sa Diyos sa mga biyayang dumarating sa kanila at ipagpasalamat na sila ay nakakakain nang maayos kumpara sa marami na walang makain. Iminulat din niya sa kanila na magkaroon ng puso sa mga mahihirap dahil siya mismo ay galing dun.
Hindi lang sa pagkakaroon ng tunay na malasakit para sa mahihirap dapat hangaan si Mayor Kois.
Mahal din nito ang kanyang trabaho at ang tiwalang ibinigay sa kanya ng mga taga-Maynila dahil sa walang kapaguran niyang pagtatrabaho lalo na ngayong may pandemya.
Bawat hakbang na ginagawa niya ay laging ‘advanced.’ Kumbaga, malayo pang mangyari ay pinaghahandaan na niya.
Palagay ko, tanging Maynila ang may mayor na natulog ng dalawang buwang direcho sa loob ng kanyang tanggapan sa City Hall. Maski hanggang ngayon, halos di pa rin siya naguuuwi dahil sa walang humpay na paggawa ng mga hakbangin kung paano malulunasan ang mga problemang dulot ng pandemya.
Sa ngayon, umabot na sa 14 ang quarantine facilities na kanyang ipinagawa at bilang paghahanda sa posibleng pagdami ng kaso dahil sa unti-unting pagluluwag ng pamahalaan.
Maynila lang ang merong ganito, kasama na ang sariling dalawang COVID-19 laboratory, swab at serology testing na hindi lang libre kundi inialok pa sa mga hindi taga-lungsod. Kaya naman marami ang gusto nang lumipat sa Maynila. Hehehe.
Muli, happy happy birthday sa mag-amang Mayor Kois at Joaquin Moreno at sana ay magpatuloy ang kanilang tagumpay at mabuting kalusugan.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon o impormasyon.