Advertisers
Nagbago na ang modus at teknik sa mahabang panahon. Nahawa na ang burukrasya mula ulo hanggang paa. Naging bilyones na ang halaga ang nakukulimbat mula sa dating kaparinggot na pitik ng pulis patola. Naging moderno na at marahas ang sistema ng mga korap. Pero ang teorya ng korapsyon sa Pilipinas, hindi na nabago mula panahon pa ni Hudas.
Sa teoryang ito, ang korapsyon ay gawain ng mahihirap na natutukso sa pagnanakaw bunga ng kahirapan o kagipitan. Kung ang 12 desipulo ni Kristo ay ang kanyang gabinete noon, si Hudas ang lumabas na kurap dahil natukso sa 30 pilak na pabuya ng mga Romano.
Ang pananaw na ito ay tagos hindi lamang sa mayayaman kundi maging sa mahihirap. Tuwing eleksyon ay paulit-ulit nating naririnig mula sa mga ward leader ang linyang “hindi na magnanakaw yan dahil mayaman na.” Ang tinutukoy dito ay ang mayayamang kandidato. Kaya’t kung mahirap kang kandidato, suspetsado ka nang may planong magnakaw. Pero hindi lang mga ward leader ang nagbabanggit ng linyang ito sa masa kundi si Meyor mismo, na ngayon ay isa nang Pangulo.
“Si Villar, mayaman. Secretary Villar, maraming pera ‘yan. Hindi niya kailangan mangurakot,” depensa ni Duterte kay Sec. Mark Villar habang binabanatan ang laganap na korapsyon sa DPWH. Ibig sabihin ay pareho lang ang teorya sa korapsyon ng ward leaders at ng Presidente? O pareho lang silang nagsisinungaling?
Karamihan sa atin ay sumasakay o nakasakay na ng dyip. At malamang ay napansin nyo ang karatula mapalit kay mamang drayber na may nakasaad na, “God knows HUDAS not pay.” Naka-all caps pa talaga ang HUDAS. Napansin nyo rin ba ito? Ito ay paalala ng kawawang drayber na huwag naman sanang mag 1-2-3 ang kanyang pasahero. Dahil wala siyang kontrol kung isa o dalawa sa kanyang mga pasahero ay eeskapo na lang bigla nang hindi nagbabayad ng pamasahe. Walang gate ang kanyang dyip. Wala rin siyang kasamang gwardya. At lalong wala siyang COA. Kaya’t kahit galit sa gumagawa nito ay nangingiti na lamang si mamang drayber sa kapwa niya mahirap na nakapandugas sa maliit na paraan. Sabay bulong ng pasuko: “May araw din kayo!”
Sa big time na korapsyon sa gubyerno ay hindi na maliit na hudas kundi mga VIP na ang player. Hindi na kailangang magbanggit pa dito ng mga pangalan nila dahil mauubusan tayo ng ispasyo sa isang lebel pa lamang ng burukrasya. Hindi na rin nga kailangang ipaalala dahil nakikita pa rin naman sila ng publiko sa maayos nilang kalagayan. Dahil nasa poder pa nga sila wala sa kulungan.
Isa pa, ang modus sa pagnanakaw ng mga VIP sa gubyerno ay hindi na sa patago o patalilis na paraan ginagawa kundi sa sistemang binabalot na ng ligalidad. Ang pork barrel ay malaking halimbawa. Ang suhol ay normal na lagayan. Ang opisina ay literal na “tanggapan”. Ang kontribusyon ng mga may-ari ng malalaking korporasyon sa mga pili nilang kandidato tuwing eleksyon ay hindi donasyon. Ito ay korapsyon. At ang pabor na ibinibigay sa kanila bilang kapalit, kabilang ang posisyon, ay hindi pagpapatupad ng tamang regulasyon kundi ekstensyon ng korapsyon. Sa mga libro ang tawag dito ay “rent-seeking”, o kaya ay “transactional politics.”
Napakaraming milyonaryo sa posisyon, noon at ngayon, na higit pang yumaman sa ganitong kalakaran. Milyones kada kontrata, hindi P10 kada milya sa dyip ni hudas.
Sa index crime ng PNP ay petty theft ang pinakamaraming kaso. Holdap, snatching, akyat-bahay. Kaya sila rin ang pinakamarami sa kulungan. Pero habang nakapako sa krus ay pinili ni Kristo na palayain si Barabas, isang maliit na kriminal na kauri ni Hudas at marami pang hudas.
Samantalang dito sa Pilipinas, ang pumipili ng palalayain ay kapwa rin nila magnanakaw. Alam ni justice judge yan.