Advertisers
SA kanyang ika-46 taong kaaarawan sa Sabado, October 24, ang tanging hiling ni Manila Mayor Isko Moreno ay maglaho na ang pandemya at patuloy na suporta at kooperasyon ng mga taga-Maynila upang sila ay maging supisyente na sa kanilang sarili sa pinakamalapit na panahon.
Ang selebrasyon ng kaarawan ni Moreno ay magsisimula ng Biyernes (Oct. 23) sa pamamagitan ng serye ng pagbisita sa mga foster care institutions na kumakalinga sa mga homeless, unwanted, mga nilalang na may espesyal na pangangailangan, mga naulila, at mga inabandonang bata at matatanda.
Siya ay sasamahan ng kanyang anak na si Joaquin, na isinilang din ng parehong araw at magdiriwang ng kanyang ika-19 kaarawan. Si Joaquin ay isang showbiz personality.
Ang kanilang birthday activities ay magsisimula sa pagtungo sa Manila Boys’ Town Complex sa Marikina, kung saan may 1,300 senior citizens at bata ang inaalagaan ng Manila department of social welfare sa ilalim ni Re Fugoso.
Mula dito ay tutungo naman ang mag-ama sa kapareho ding institusyon sa Maynila, kabilang na ang Hospicio de San Jose sa San Miguel at Asociacion De Damas De Filipinas, Inc. sa Paco. Ang Hospicio ay isang Catholic institution at kaunahang social welfare agency sa bansa habang ang Damas ay nasa ilalim ng DSWD at nagkakaloob ng matutuluyan sa mga batang kailangan ng espesyal na pag-aaruga.
Bilang panghuli, si Moreno at ang anak na si Joaquin ay bibisita sa dalawang pasilidad na itinayo ng pamahalaang lungsod upang kumupkop sa mga walang tirahan at palaboy na naisalba mula sa kalye sa panahon ng pandemya. Ang dalawang pasilidad ay nasa Rasac at Canonigo covered courts sa Sta. Cruz at Paco.
Ang nabanggit na mga pasilidad ay nasa ilalim na pangangasiwa ni Fugoso, na nagsabing ang pagbisita ng alkalde at ng kanyang anak ay magiging malaking kasiyahan para sa mga homeless na naroroon. Magdudulot din ito ng inspirasyon para mapalakas ang kanilang loob at higit na magpapatunay ng dedikasyon ng pamahalaan na sila ay alagaan at tulungan.
Ang father-and-son birthday celebrators ay magdadala ng foodpacks at drinks sa bawat wards ng nabanggit na welfare institutions na nasa 2,000 ang kabuuang bilang.
Ayon kay Moreno ay matagal na nilang pinaplano ng kanyang anak na si Joaquin ang nasabing gawain dahil nais nila na kahit papaano ay makitang gumuhit ang ngiti sa mukha ng mga kapuspalad lalo na sa gitna ng pandemya.
At dahil nagmula sa karukhaan, sinabi ni Moreno na napakapalad niya at labis na nagpapasalamat sa Panginoon at dahil dito ay nais niyang ibalik sa mga kapuspalad ang mga biyayang kanyang natanggap.
Ito rin ang madalas na pangaral niya sa kanyang mga anak na: “for them to appreciate all the blessings that come their way and do good deeds to others, specially those who have less in life.”
Kilala si Moreno sa pagkain ng ‘pagpag’ (tira-tirang manok mula sa fastfood) na kanyang kinokolekta bilang basurero mula sa basurahan ng kilalang fastfood chain, at inuuwi sa kanilang bahay upang muling lutuin sa pag-asang kayang patayin ng init ng apoy ang mikrobyo sa ‘pagpag’.
Dahil dito ay iti-treat ni Moreno at ni Joaquin ang bawat isang wards ng kaniyang paboritong pagkain, — two-piece chicken with rice and drinks. (ANDI GARCIA)