Advertisers

Advertisers

Milyun-milyong shabu nasabat sa Taguig, pero hindi ‘bigtime’ ang mga nasakote

0 231

Advertisers

ILANG araw na ang lumipas, nakumpiska ng pinagsamang puwersa ng Philippine National Police – Drug Enforcement Group (PNP – DEG) at Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA) ng P122.4 milyong halaga ng methamphetamine hydrochloride sa Lungsod ng Taguig.

Nakuha ito mula sa isang Ebrahim Dimakiling nang madakip ito ng magkasamang operatiba ng PNP – DEG at PDEA – National Capital Region sa Bayani Road malapit sa kanto ng President Carlos Garcia Avenue (C – 5) bandang 10:00 ng gabi Oktubre 14.

Multimilyon ang nakumpiskang meth, o shabu, pero hindi ‘big – fish’ ang 33-taong gulang na si Dimakiling.



Ang pagkakahuli kay Dimakiling, ayon sa PNP, ay follow-up operation mula sa natimbog nilang sina Suboh Omal Abdul (29- taong gulang) at Alvin Abdul Amiril (40) sa Don Bosco Avenue sa Lungsod ng Parañaque dakong 6:32 ng gabi.

Ang nakuha raw kina Abdul at Amiril ay shabu na ang kabuuang halaga ay P81.6 milyon.

Sina Abdul at Amiril ay hindi malalaking isda sa mundo ng iligal na droga, ayon sa ulat ng PNP.

Ang pangyayaring ito ay kongkretong batayan na talamak pa rin ang shabu, partikular sa Parañaque at Taguig.

Kung babalikan natin ang balita tungkol sa mga operasyon ng PNP at PDEA laban sa droga ay ilang ulit na silang nakakumpiska ng shabu sa dalawang lungsod.



Tapos, biglang naglunsad sila ng operasyon na mahigit P200 milyon ang presyo ng nakuha nilang shabu.

Ibig sabihin, talamak pa rin ang shabu sa ilang bahagi ng National Capital Region (NCR).

Malinaw ding batayan ang nasabing dalawang magkasunod na operasyon na mahirap madakip ng PNP at PDEA ang high value target (HVT), o mga malalaking isda sa mundo ng iligal na droga.

Kahit sa mga nakaraang operasyon ng PNP at PDEA ay wala silang idinedeklarang HTV sa kanilang mga nadakip na suspek, kahit milyun-milyon ang halaga ng shabu na nakuha sa kanila.

Kaya, hindi maiwasang maitanong kung talagang madulas ang mga HVT.

O, mas tamang tanong ay kung nagpapadulas ang mga HVT, dahilan upang ismol-taym ang madakip ng mga tauhan ng PNP at PDEA.