Advertisers

Advertisers

PhilHealth pinuri ni Sen. Bong Go… HEMODIALYSIS PACKAGE PINALAWAK

0 93

Advertisers

Pinuri ni Senador Christopher “Bong” Go, tagapangulo ng Senate committee on Health and demography, ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa ibinibigay na suporta sa mga pasyenteng may chronic kidney disease stage 5 sa pamamagitan ng pagpapalawak ng hemodialysis package nito.

Mula sa 90, dinagdagan ng PhilHealth sa 156 ang taunang hemodialysis session sa ilalim ng package nito.

Ang inisyatiba ay layong pagaanin ang pinansiyal na pasaning kinakaharap ng mga pasyenteng dumaranas ng nasabing sakit at tiyaking sila ay makakatanggap ng kinakailangang paggamot upang mabisang pamahalaan ang kanilang kondisyon.



“Napakalaking tulong nito para sa ating mga kababayan lalo na sa mga mahihirap. Kaya naman maraming salamat sa PhilHealth sa pagsisiguo ng kapakanan ng bawat Pilipino,” ayon kay Go.

“Patuloy lang sana tayo magkaroon ng ganitong inisyatibo na mas lalong maraming Pilipino ang makikinabang. Huwag natin sila pahirapan na makakuha ng serbisyong medikal,” idiniin niya.

Ang pinalawak na pakete ng hemodialysis ay magbibigay-daan sa mga pasyente na makatanggap ng kinakailangang sesyon ng dialysis nang mas madalas. Higit pa rito, mababawasan ang pinansiyal na pasanin ng mga pasyente at kanilang pamilya na kadalasang nahihirapang bayaran ang mga gastos ng regular na paggamot sa hemodialysis.

Ayon sa PhilHealth Circular 2023-009, ang mga pasyente ng CKD stage 5 ay makatatanggap ng bayad na P2,600 kada session o kabuuang P405,600 kada taon.

Hinikayat ni Senator Go ang publiko na samantalahin ang pinalawak na package at hinimok ang mga indibidwal na alamin ang tungkol sa mga benepisyong magagamit sa pangangalagang pangkalusugan.



Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng maagang pagtuklas at pamamahala sa sakit sa bato sa pamamagitan ng regular na pagsusuri para sa malusog na pamumuhay.

Sa kanyang bahagi bilang mambabatas, nauna nang inihain ni Go ang Senate Bill No. 190 na naglalayong atasan ang PhilHealth na magbigay ng libreng dialysis sa lahat ng miyembro nito.

“Ako po ay hindi nangangako, susubukan ko lang po kung ano’ng pwede kong maitulong pa sa inyo para mabawasan ang inyong paghihirap sa paghingi ng serbisyong medikal lalo ‘yung mga dialysis patients,” pahayag ni Go.