Advertisers

Advertisers

Paolo aminado, pressured bilang host ng bagong ‘Eat Bulaga’

0 139

Advertisers

Ni ARCHIE LIAO

AMINADO si Paolo Contis na pressured siya sa kanyang bagong trabaho bilang isa sa mga host ng revamped na “Eat Bulaga.”
Aware raw kasi siya na may expectations ang mga tao sa kanila kung ikukumpara sa mga dating hosts ng show.
Katunayan, hindi naman daw sila preparado noong isabak sila sa hosting ng mga ehekutibo ng TAPE.
Gayunpaman, nilinaw niya, wala raw naman siyang sinagasaang tao dahil nagpaalam daw siya sa mga kinauukulan nang tanggapin niya ang kanyang trabaho.
Tulad daw ng iba, naniniwala naman siyang naiintindihan siya ng mga kasamahan sa industrya dahil ang lahat ay trabaho lamang.
Ayaw din niyang mag-react sa claim ng Tito, Vic and Joey na sila ang ‘legit Dabarkads’ dahil para sa kanya ay hindi kalaban ang comic trio.
Sa ngayon, sobrang inspirado raw siya sa kanyang trabaho dahil sa maikling panahon ng kanilang pagsasama ay nabuo na agad ang solidong grupo nila ng co-hosts ng show.
Nag-adjust din daw siya sa kanyang schedule dahil sa pagmamahal niya sa show.
Alas singko pa lang daw ng umaga ay gising na siya at by six o’clock ay nasa studio na siya para paghandaan ang show.
Tungkol naman sa kanyang bashers, hindi raw siya bothered sa mga ito.
Mas nagma-matter daw sa kanya ang opinyon ng mga taong nakakakilala sa kanya.
Hindi rin daw naman siya tatagal ng thirty five years sa showbiz kung siya ay iyong tipong nag-a-attitude o iniiwasang makatrabaho.
Bagama’t may mga pagkakamali siya sa buhay, hindi raw naman sapat iyon para masabing masama na siyang tao.
Hindi rin daw kasi ang tipo niya na inaanunsyo ang mga ginagawa niya para sa ibang tao.
Naniniwala naman si Paolo sa galing ng Pinoy na para sa kanya’y world-class at kayang makipagsabayan sa sinumang talento sa buong mundo.
Sa pamamagitan din daw ng suporta ng gobyerno at ng isang matinding proyekto ay kayang masungkit ng Pinas ang pinapangarap nitong Oscar trophy.
Si Paolo na suki ng Mavx Productions ni Erwin Blanco (Pangarap Kong Holdap, Through Night and Day, A Faraway Land) ay nagbabalik sa irreverent comedy na “Ang Pangarap Kong Oskars”.
Kasama niya bilang comic tandem si Joross Gamboa.
Nasa cast din ng pelikula sina Kate Alejandrino, Faye Lorenzo, Erlinda Villalobos, Long Mejia, Yukii Takahashi, Gian Magdangal, Junjun Quintana, Mido Elmido, Leo Bruno, Ian Ignacio, Zweden Obias, Joseph Villanueva, Paeng Sudayan, VJ Mendoza, Victor Medina, Edmar Guanlao at Jmee Katanyag.