Advertisers
KASABAY ng mas pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga, binigyang papuri ni PMGen Edgar Alan O Okubo, Regional Director ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang matagumpay na pagsamsam sa Php 48,960,000.00 halaga ng hinihinalang shabu sa isang buy-bust operation na ikinasa sa Parañaque City.
Sa natanggap na ulat mula kay PBGen Kirby John Brion Kraft, District Director ng Southern Police District (SPD) ay inilunsad umano ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office-National Capital Region (PDEA RO-NCR) Northern District Office at PDEA RO-NCR Southern District Office sa pakikipagtulungan ng Regional Drug Enforcement Unit ng NCRPO kasama ang mga tauhan ng Southern Police District, ang naturang operasyon na nagresulta sa matagumpay na pagkahuli sa tatlong indibidwal na pawang mga residente rin ng nasabing lungsod.
Ayon pa sa ulat, kasama ng nasabat na 7.2 kilos ng hinihinalang shabu ay nakumpiska din mula sa mga suspek ang mga sumusunod na ebidensya:
a. Drug paraphernalia gaya ng timbangan, mga plastic sachet, lighter at iba pa;
b. Anim na cellphones;
c. Isang pirasong perang papel na nagkakahalaga ng Limandaang Piso ginamit bilang buy-bust money; at
d. Record Notebooks, bank slips, ATM bank cards at ibang dokumentong pang pinansyal.
Nasa kustodiya na ng PDEA ang mga kumpiskadong ebidensya at ang mga suspek na mahaharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o kilala bilang RA 9165.
“Makakaasa po kayo na ang NCRPO, kaagapay ang iba pang ahensya ng pamahalaan ay higit pang magiging agresibo sa pagsasagawa ng mga operasyon hindi lamang kontra sa iligal na droga kundi maging sa lahat ng uri ng krimen sa buong Metro Manila,” ani Okub. (JOJO SADIWA)