Advertisers
KINASTIGO ni Senador Christopher “Bong” Go ang mga ulat na paglabag sa Republic Act No. 10932 o Anti-Hospital Deposit Law, lalo sa kasalukuyang sitwasyon ng pandemya kung saan maraming Pilipino ang nahihirapan pa rin sa pananalapi.
Sa ambush interview matapos tulungan ang mga mahihirap na residente ng Nagcarlan, Laguna, ipinahayag ni Go ang kanyang pagkabahala sa report na may mga ospital na tumatangging tumanggap ng mga pasyente dahil walang pangdeposito.
Ayon kay Go, ito ay isang paglabag sa batas at pagbalewala sa kapakanan ng mga mahihirap.
Sinabi ng senador, bilang tagapangulo ng Senate committee on health, handa siyang magpatawag ng pagdinig upang matalupan ang mga naiulat na paglabag na ito kung kinakailangan.
“’Wag nating dagdagan ang hirap ng ating mga kababayan. Bawal po ‘yun na hindi n’yo tanggapin, at pwede po kayong makasuhan,” sabi ni Go.
Binigyang-diin ni Go na kung mabibigo ang mga kinatawan ng ospital na dumalo sa pagdinig, maaari silang i-subpoena at kung balewalain ang subpoena ay maaari silang ma-contempt.
“Ang atin naman po rito ay huwag nating pahirapan ang mahihirap nating mga kababayan, lalo na ang mga nagkakasakit at emergency cases. Wag n’yo pong tanggihan. Bigyan n’yo po ng palugit,” anang senador.
“Naiintindihan naman natin, binabalanse naman natin dahil negosyo n’yo po ‘yan. Yan po ang pagsuporta n’yo para tumakbo po ang inyong ospital. Ngunit tingnan po ng mabuti kung nasa panganib ang buhay at kalusugan ng kapwa Pilipino. Huwag nating pahirapan, gamutin n’yo muna,” dagdag niya.
Ipinaalala ni Go sa medical community na huwag pabayaan ang kapakanan ng kapwa Pilipino sa pagsasabi pang ang kanilang kabaitan at pakikiramay ay mahalaga sa kanilang propesyon.
“Huwag natin silang pabayaan. Alam n’yo, ang babalik po sa inyo ay times ten na magandang karma po kapag naging mabuti kayo sa ating kapwa tao,” aniya.
Ayon kay Assistant Secretary Charade Mercado-Grande ng Department of Health, titiyakin ng Health Facilities Oversight Board ang pagsunod sa Anti-Hospital Deposit Law sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa mga pangangailangan kapwas ng mga pasyente at medical provider.
Alinsunod sa RA 10932, ang mga indibidwal na nagtatrabaho sa mga ospital o mga medikal na propesyonal na mapapatunayang lumabag sa batas ay mahaharap sa mga parusa, kabilang ang mga multa mula P100,000 hanggang P300,000, gayundin ang sentensiyang pagkakulong mula 6 buwan hanggang 2 taon.
Samantala, ang mga direktor o opisyal ng mga ospital at klinika ay maaaring makulong nang 4 hanggang 6 taon, kasama ang multang mula P500,000 hanggang P1 milyon.