Advertisers
TULOY ang pagsulong ng ‘Agenda for Prosperity’ ng administrasyong Marcos.
Ito ang inanunsiyo ng Department of Budget and Management (DBM) makaraang aprubahan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. at ng kanyang gabinete ang National Expenditure Program para sa 2024.
Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, patuloy na ipaprayoridad sa panukalang 2024 National Budget ang mga gastusin na makatutulong sa paglago ng ekonomiya na nakaangkla sa Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028 at 8-point socioeconomic agenda.
Kung hindi ako nagkakamali, ang PDP ng pamahalaan ni Pang. Marcos ay naglalayong muling pasiglahin ang ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng paglikha ng trabaho.
Target din nitong mabawasan ang kahirapan sa bansa pabalik sa kanyang high-growth trajectory at economic and social transformation patungo sa maunlad, inklusibo, at matatag na lipunan.
Kaya naman, asahan na sa susunod na anim na taon, ang development agenda ng Pilipinas ay gagabayan ang administrasyong Marcos sa pamamagitan ng mga headline targets na ito na prayoridad ngang bawasan ang kahirapan at matamo ang pag-unlad para sa lahat.
Ang proposed National Budget para sa susunod na taon ay nasa P5.768 trilyon na katumbas ng 21.8 percent ng Gross Domestic Product (GDP) at mas mataas naman ng 9.5 percent kumpara sa P5.268 trilyong badyet ngayong taon.
Sinabi ni Pangandaman na ang budget proposals para sa fiscal year 2024 ay binusisi nang maigi bunsod ng ilang mga kadahilanan tulad ng budget utilization rates sa mga nakalipas na taon at alignment ng programs, activities and projects (PAPs) na ang mga prayoridad ay binalangkas sa kanilang Budget Priorities Framework.
“Amidst the challenges the country has faced, we believe that by being consistent in our priorities and spending within our means on the right priorities with measurable results, we can build a truly inclusive and sustainable economy that would benefit not only the Filipinos of today, but the generations to come,” sabi ni Pangandaman.
Kasabay nito, hinikayat naman ng kalihim ang lahat ng mga kinauukulang ahensya na suportahan at depensahan ang panukala sa congressional deliberations.
Ang 2024 National Budget ay sinasabing isusumite sa Kongreso ilang linggo bago ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni PBBM sa Hulyo 25 ngayong taon.
Base sa Saligang Batas, dapat isumite ang NEP sa lower house sa loob ng 30 araw pagkatapos ng SONA.
Sakaling makalusot sa Kongreso, ang NEP ay magiging General Appropriations Bill, at kapag napirmahan na ng Presidente, ang bill ay magiging General Appropriations Act.
Abangan!
***
Katuwang ang ilang sponsors, ang “Barangay 882” radio program ng inyong lingkod ay matutunghayan sa ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 FB page, at DWIZ ON-DEMAND sa Youtube tuwing araw ng Sabado sa ganap na alas-4:00 hanggang alas-5:00 ng hapon. Para naman sa inyong mga sumbong, reaksyon, suhestiyon, etc., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-DM sa aking Facebook account (Gilbert Laguna Perdez), Twitter, Instagram, at sa FB page na ‘Gilbert Perdez’. Paki-subscribe na rin ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Salamat po at stay safe!