Magkakapatid na Villanueva ng Mabini, Batangas nalambat sa Oplan Paglalansag ng PNP CIDG at PRO4A; mga high-powered na armas nabawi
Advertisers
Sa bisa ng Search Warrant no. 23-443 na pinirmahan ni Judge Josephine Lozano ng RTC Branch 74 ng Antipolo City, isang pinagsanib na police raid ang isinagawa ng PNP CIDG na nakabase sa NCR at kinatawan ng Pro4A na base sa Mabini, Batangas ang nagresulta sa pagkakaaresto nina Nilo Villanueva, Mayor ng nasabing munisipalidad; at mga kapatid niyang sina Bayani Villanueva, ABC president ng Mabini; at ang dating opisyal ng PNP na kapatid nila na si Oliver Villanueva.
Sa ulat nina PCol Hansel Marantan ng CIDG at PMaj Jobeth de Castro ng Mabini Police MPS, nuong ika 17 ng Hunyo taong ito, pinagplanuhan nilang maigi ang police operation na isa sa mga masusing ipinatutupad ng PNP sa buong kapuluan na tinaguriang Oplan Paglalansag. Ang NCR CIDG na siyang lead unit ang entering party samantalang ang Pro4A team ni De Castro ang perimeter defense at security na siyang pumalibot sa tahanan ng mga magkakapatid sa Bo. Silangan, Brgy Sto Tomas, Mabini, Batangas.
Epektibo ang koordinasyon nila at nuong alas 5 ng madaling araw ang raid ay isinagawa ng walang nakakaalam dahil nga under close wrap at need to know basis ang pagkilos na ito, na ang mga lalakad at kasamang operatiba ay saka lang malalaman ang lugar na tatargetin kapag tapos ng briefing na tuloy na sa jump off. Ang posibilidad na ang aksyon na ito ng mga pulis ay “sisingaw” ay malayo sa katotohanan sapagkat sa oras mismo ng concerted action ay duon pa lang malalaman kung sino target, saan ang lugar at ang mga armas na magiging balakid kung meron man.
Sa habilin nga ni PBGen Carlito M Gaces sa lahat ng mga tauhan ng PNP Calabarzon, kahit sila ay augmenting troops o lead team sa anumang police action , effective coordination at flawless communication ang susi sa ikatatagumpay ng hinahanap PNP na kalutasan sa di maampat na krimen sa kanilang area of responsibility. Pinapurihan niya ang grupo ni PMaj de Castro dahil sa teamwork na ipinamalas nila sa mga tauhan ng CIDG na ikinabawi ng mga malalakas na armas: 3 Bushmaster cal. 5.56; 1 cal.45; mga bala, magazine at 1 MK2 handgrenade. (×)