Advertisers
NASAWI ang isang babae, habang dalawang lalaki ang sugatan sa pamamaril sa Isla Puting Bato, Tondo, Maynila nitong Sabado, Hunyo 17.
Kinilala ng Manila Police District-Delpan Police Station ang nasawi na si Marian Escanilla, 39 anyos, residente ng Barangay 275, Binondo, Maynila.
Habang ang mga sugatan ay kinilalang sina Ariel Layam, 43; at Jojo Aberte, 46, parehong residente ng Isla Puting Bato, Barangay 20, Tondo.
Ayon sa ulat ng Delpan Police Station, sinabi ng mga saksi na si Escanilla ay kausap ang isang lalaking nakasuot ng hoodie black jacket at maong pants 9:45 ng umaga sa Isla Puting Bato.
Pagkatapos nito ay nakarinig sila ng tatlong magkasunod na putok ng baril, at natagpuang patay ang biktima sa isang eskinita.
Tinamaan ng ligaw na bala ang dalawa pang biktima na kasalukuyang ginagamot sa Gat Andres Bonifacio Memorial Center.
Ayon sa mga otoridad, hindi pa nahuhuli ang salarin at patuloy pang iniimbestigahan ang insidente.