Advertisers
BINITAWAN na nga ni Judge Romeo Buenaventura, ang Presiding Judge ng Muntinlupa RTC Branch 256, nitong Biyernes (June 16).
Hindi siguro kinaya ni Judge Buenaventura ang mga upak ng netizens, matapos niyang ibasura ang ‘petition for bail’ ng kampo ni De Lima noong Hunyo 7 sa natitirang “tahi-tahing” drug cases laban sa dating senador na dati ring justice secretary, human rights chairman at dekalibreng election lawyer.
Sinasabing ang nalalabing kaso sa sala ni Buenaventura ang pinakamahina sa tatlong ikinaso kay De Lima. Ito raw kasi ay nakaangkla lang sa naunang dalawang kasong ibinasura na ng korte rin sa Muntinlupa.
Ang tanging rason ni Buenaventura kaya niya ibinasura ang hirit na piyansa ni De Lima ay dahil sa pagkatapos ng trial lamang daw makikita ang merito ng kaso.
Pero kasabay ng pagbasura ni Buenaventura sa hirit na piyansa ni De Lima ay inatasan siya ng Court Administrator ng Korte Suprema na resolbahin na ang kaso ni De Lima sa loob ng siyam na buwan dahil mahigit anim na taon nang hindi umuusad ang kaso ng huli sa kanyang sala!
Kasunod naman nito ang mga brutal na batikos ng netizens laban kay Buenaventura, na sinabayan pa ng paglabas ng mga isyu na ito’y kapatid ng isang abogado na nag-prosecute kay De Lima. At ang tanging sagot niya rito ay hindi niya alam yun. Ngek!
Nabatid din na si Buenaventura ay isa sa mga itinalaga ni dating Presidente Rody Duterte, ang nagpakulong kay De Lima.
Si De Lima ay naging kritiko ni Duterte mula alkalde pa ng Davao City ang huli, kungsaan inimbestigahan ng una ang Davao Death Squad (DDS) na umano’y notoryos na grupong pinamumunuan ng dating pangulo.
Ang DDS ay naging subject ng imbestigasyon sa Senado kungsaan lumutang ang nagpakilalang dalawang “hitmen” ni Duterte. Pero dahil si Duterte na ang presidente nang imbestigahan ito, walang nangyari sa imbestigasyon na isinagawa noon nina ex-Sen. Antonio Trillanes at De Lima.
Balikan natin ang pag-inhibit ni Judge Buenaventura sa kaso ni De Lima. Muling ira-raffle ang kaso, at hihirit uli ng piyansa ang kampo ni De Lima. Magpa-file rin daw sila ng ‘Habeas Corpus’ sa Korte Suprema.
Sakaling hindi parin pagbigyan ng bagong hukom ang petition ni De Lima, maghihintay siya ng siyam na buwan sa kulungan bago masolusyunan ang kaso, ayon sa order ng Court Administrator.
Kapag nangyari ito, si De Lima, 63 anyos, ay aabutin ng pitong taon at dalawang linggo sa kulungan. Kawawang ale…
Well, abangan natin kung kaninong judge babagsak ang natitirang kasong ito ni De Lima.
***
May isang judge sa GenSan RTC ang sinuspinde ng Korte Suprema ng 2 taon ng walang sueldo dahil sa “gross ignorance of the law.” Pangatlong beses na raw ito ni Judge Oscar Noel, Jr. Paano kaya ito naging Judge?