Advertisers

Advertisers

BONG GO: MAHIRAP NA PASYENTE, ‘WAG TANGGIHAN SA OSPITAL

0 191

Advertisers

Binigyang-diin ni Senador Christopher “Bong” Go na hindi dapat tanggihan ang mahihirap na pasyente sa mga serbisyong inaalok ng mga pampublikong ospital, gayundin ng mga programang tulong medikal mula sa alinmang 158 Malasakit Centers sa buong bansa.

“As chair ng Committee on Health, may oversight function tayo sa batas na ito, kino-call natin ang atensyon nila na dapat po ay walang tatanggihang pasyente. At nag-assure naman sa atin ang DOH na ia-address po nila kapag may reklamo,” sabi ni Go.

Sa pagkilala sa pangunahing karapatan ng bawat Pilipino na makatanggap ng wastong pangangalagang medikal, binigyang-diin din ni Go ang papel ng mga social worker at medical chief sa paggabay sa mga pasyente sa naaangkop na mga pasilidad.



“Karapatan n’yo po ang Malasakit Center. Kaya importante dito ang social worker at tsaka medical chief. They have to guide the patients. Turuan nila kung saan lalapit… Dapat unahin nating tulungan ang mga kababayan nating mahihirap dahil karapatan nila ‘yan,” aniya.

Ang paglulunsad ng 158th Malasakit Center sa Diosdado P. Macapagal Memorial Hopital sa Pampanga ay nagmarka lumalalawak na misyon ng programa sa buong bansa.

Sa apat na center na naitatag sa Pampanga, kabilang ang sa Angeles City at San Fernando City, gayundin ang kabuuang 89 sa Luzon at 15 sa Rehiyon III, ipinagmalaki ni Go ang malaking epekto ng programa sa buhay ng hindi mabilang na mga Pilipino.

“Nalulungkot ako kapag naririnig ko na may ayaw magpagamot dahil takot sa babayaran sa ospital. Huwag po kayong matakot dahil tutulungan kayo ng Malasakit Center. Pangalagaan natin ang buhay na ibinigay sa atin ng ating Panginoon,” sabi ni Go.

“Sa totoo lang, pera naman yan ng taumbayan. Binabalik lang sa inyo sa pamamagitan ng mabilis, maayos at maaasahang serbisyo na may malasakit sa inyong pangangailangan,” ayon sa senador.



Mula nang magsimula noong 2018, ang Malasakit Centers ay may mahalagang papel sa pagbibigay ng agarang tulong, partikular na mahihirap at kanilang mga pamilya Mahigit 7 milyong Pilipino na ang natutulungan ng programa, ayon sa DOH.

“Karapatan po ng bawat Pilipino yan lalong-lalo na po ang mga poor and indigent patients dahil hindi naman po pumupunta ang mayayaman dito. Ang pumupunta rito sa mga government o public hospitals ay ‘yung mahihirap nating kababayan na walang ibang mapuntahan. Kaya dapat unahin nating tulungan itong mga kababayan nating mahihirap,” anang mambabatas.

Sa inagurasyon ng pinakabagong center, pinuri ni Health Secretary Teodoro Herbosa si Go sa dedikasyon at inisyatiba nito sa pangunguna sa programa ng Malasakit Centers.

Kinilala ni Herbosa ang hindi natitinag na pangako ng senador sa pagpapabuti ng access sa pangangalagang pangkalusugan para sa lahat ng Pilipino.