Advertisers

Advertisers

‘YANG MGA PANGARAP NI PBBM; AT SUSPEK SA DEGAMO SLAY, TINOTORTYUR, SINUSUHULAN?

0 247

Advertisers

DAHIL sa kahilingan ng ilan nating mga masugid na tagasubaybay ay muli ko pong inilalathala ang artikulong aking isinulat noong July 4, 2022 na may title: Mga Pangarap ni PBBM.

Sinabi ni President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. sa interview sa kanya ng media matapos na pormal na maupo bilang ika-17 pangulo ang maraming napakabigat na problema ng Pilipinas.

Gabundok na problemang dala ng coronavirus pandemic ang kailangan ni PBBM na harapin at lutasin, ito ay upang matupad ang kanyang pangarap na pagkakaisa at pagbabalik ng ‘Bagong Lipunan’ para sa mahigit na 110 milyong Pilipino.



Sa kanyang unang mensahe sa atin, ano-ano ba ang sinabi ng ating bagong Pangulo?

Top priority niya ang food security at matiyak na may sapat na murang pagkain sa bawat mesa ng pamilya.

Aniya, hahabulin niya ang mga ismagler ng mga produktong agrikuktura, at uunahin ang pagpapalakas sa sektor ng pagsasaka, pangingisda, pagpaparami ng livestocks – na sana ay mangyari sa susunod na dalawa tatlong taon.

Umiiyak ang magsasakang Pilipino dahil hindi kayang makipagkumpetensiya sa walang habas na importasyon ng pagkain na ginawa ni William Dar ng Agri Department.

Tama ang desisyon ni Bongbong na siya muna ang maupong Agri Secretary at ayusin ang makalumang paraan ng pagsasaka at pangisdaan at produksyon ng pagkain natin.



Napakayaman ng ating lupa na makakayang sobra pang pakainin ang kahit 110 milyong Pilipino.

Ipahinto kaya ni Bongbong ang walang pakialam na pagpapalit ng gamit sa lupang sakahan na ginagawang subdibisyon, residential at komersiyal?

***

Nang mag-usap sila ni dating Pres. Digong Duterte, ipinangako ni PBBM na itutuloy niya ang “Build, Build, Build” program nito, sa kabila ng patuloy na paglobo ng ating utang.

Tamang direksiyon ito para ang pangarap na pagdugtungin at pabilisin ang transportasyon sa lupa at dagat sa ating mahigit sa 7000 isla.

Isa itong mabuting proyekto upang mapagkaisa natin ang bansa at mapalawak at mapabilis ang paglaganap ng negosyo at kasiglahan ng hanapbuhay at kabuhayan sa buong bansa.

Kung may kulang pa sa COVID-19 response ni Tatay Digong, iyon ay pupunuan niya; ito ay upang maging mas panatag ang kalooban at buhay laban sa pandemya.

Tungkol sa ugnayang panlabas, nais ni Bongbong na mangyari na ang Pilipinas ay “kaibigan ng lahat at walang maging kaaway na bansa” para matiyak ang seguridad ng Pilipinas sa nag-iiringang military superpowers.

Tanggap natin, kung maggiyera ang malalaking bansa, para tayong langgam na mapipisa pagkat tunay na mahina ang lakas pandigma natin.

Ani Marcos: History will not be retaught.
***
Perwisyo ang bulok at mabagal na internet connectivity ngayon na isa nang human rights ang paggamit ng mahusay, mura at mabilis na komunikasyon dala ng makabagong teknolohiya.

Ano ang gagawin ni Marcos sa Smart, Globe, Converge at Dito telcoms?

Pag-aari natin ang MWSS at distributor lamang ang Maynilad at Manila Water Company kung sa kilos ay lumalabas na pag-aari nila ang public services na ito.

Sobrang mahal na, lagi pang kapos sa tubig ang gripo natin.

Walang naipatayong bagong dam at water treatment at sewerage system ang dalawang kompanyang ito, pero sinisingil tayo sa serbisyong wala naman, at hanggang ngayon, sa kabila ng utos ng Supreme Court na ibalik sa consumer ang ilegal na pagsingil, hindi ito ginagawa ng Manila Water at Maynilad.

Sana banggitin ito ni PBBM sa sunod niyang SONA sa July.
***
Ayon sa rekord, binili ng tatay ni Bongbong ang Meralco para sa gobyerno kaya noon, episyente at mura ang elektrisidad, pero isinoli ito ng Cory government nang walang kapalit na singkong duling.

Walang binanggit si PBBM tungkol dito at ano talaga ang gagawin niya sa Bataan Nuclear Power Plant na mapagkukuhanan natin ng murang koryente – na hindi pinatakbo ni Cory dahil ito ay proyekto ng kaaway niyang si dating Pres. Marcos Sr.?

***

Isa sa trabaho ng media ay maging ‘watchdog’ o tagabantay kung totoo bang matapat na ginagampanan ng taong gobyerno ang mandatong matapat na sundin at ipatupad ang batas at ang mahusay na paglilingkod sa bayan na nagluklok sa kanila sa kapangyarihan.

Marami pa ngang kulang sa mensahe ni PBBM sa interview sa kanya ng media matapos na ito ay pormal na maupo bilang ika-17 pangulo at hindi talaga maikakamada ang lahat ng problema sa bansa sa kanyang inaugural speech.

Ako… aasahan ko na ang pangarap nga ni Marcos Jr. ay sisikapin niyang ikamada at ayusin sa kanyang susunod na SONA sa July at kanyang tuparin ang ilang napakabigat na problema ng Pinas sa mga susunod pang mga taon.

Aasahan natin ang mga nagawa at gagawin pa ni Pangulong Bongbong – at ito ang ating aabangan.

***

Last card, laban kay Rep. Arnolfo ‘Arnie’ Teves, di mapaamin at tinatangkang suhulan ng milyong-milyong piso ng matataas na opisyal ng Department of Justice (DoJ), totoo ba ito Justice Sec. Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla?

Desperado na ba ang mga taga-DoJ kaya balita na nag-aalok na ito ng sampu o higit pang milyong piso sa isang suspek upang maidiin at iturong utak si Rep. Teves sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.

Ito ang ikinatatakot ngayon ni Atty. Ferdinand ‘Ferdie’ Topacio, punong abogado ni Teves matapos makatanggap ang kampo niya ng report na inaalok ng suhol si Marvin Miranda – natitirang suspek na tumatanggi pa ring magbigay ng salaysay sa National Bureau of Investigation (NBI).

Nauna rito, nagreklamo si Miranda na tinakot at tinortyur siya sa loob ng piitan ng NBI dahil sa pagtangging gumawa ng pag-amin na magtuturo kay Teves sa krimen.

Nauna rin dito, binawi ng 10 suspek sa krimen ang kanilang testimonya na sinabing napilitan sila na isangkot si Teves dahil sa hindi makayanang pisikal na pananakit at pagbabanta sa kanilang buhay.

“Nakababahala kung totoo ang report na natatanggap namin na nag-o-offer ng sampu-sampu o higit pang million of pesos ang ilang opisyal ng DoJ dahil kahit na tinortyur nila (si Miranda), hindi nila ito mapaamin at makuhanan ng testimonya na magdidiin kay Teves,” sabi ni Topacio.

Dagdag pa ni Topacio, wala nang maihaharap na matibay na ebidensiya (sa korte) ang DoJ laban kay Teves dahil sa pagbawi ng 10 suspek at tanging si Miranda na lang ang natitirang huling baraha.

“They (DoJ officials) have become desperate after the said recantations, as they are left with no evidence against Teves,” sabi ni Topacio.

“Miranda is their last card. Pag hindi napaamin si Miranda, tapos na ang boxing, at posible, maaaring gumawa na sila ng desperadong hakbang maidiin lamang si Teves,” sabi ni Topacio.

“Inaalam pa namin ang intelligence report ng panunuhol. Hindi malayo na gumawa sila (DoJ) ng gawa-gawa o mag-fabricate ng ebidensiya,” nangangambang sabi ni Topacio.

Mapagkakatiwalaan ang sources ng intelligence report, aniya, “kasi ang mga unang report nila sa amin ay mapagkakatiwalaang totoo.

***

Para sa iyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.