Advertisers
MAS maigi kung dagdagan na lamang ang taunang budget ng Games and Amusements Board (GAB) imbes na gumasta ng milyones para magbuo ng hiwalay na ahensiya na mangangasiwa sa boxing at combat sports.
Binigyang-diin ni Alvin Aguilar, founder ng Philippine Mixed Martial Arts at organizers ng Universal Reality Combat Championship (URCC) na nagagampanan ng GAB ang tungkulin at responsibilidad sa pro sports at sa mga atleta sa kabila ng limitadong budget.
Patuloy na isinusulong ni Senator Pacquiao ang pagbuo ng Philippine Boxing and Combat Sports Commission na naglalayon umano na pangasiwaan ang pagsulong ng boxing at combat sports gayundin na maprotektahan ang mga atleta.
Batay sa proposisyon ng eight-division world champion, bubuo ang PBCSC ng isang Chairman at tatlong Commissioners.
Hiwalay pa ang regional directors. Ang proposed budget ay P150 milyon, katumbas sa nakukuhang budget ng GAB kada taon.
“Look, at this time even in pandemic, GAB work and responsive to the call on helping professional boxers and combat fighters who were displaced and lost their livelihood during lockdown. Under minimal budget, GAB extend help to the needy athletes while putting premium to sports development,” pahayag ni Aguilar, pangulo rin ng Wrestling Association of the Philippines (WAP).
“Isipin ninyo kung mas malaki ang budget ng GAB, hindi ba’t mas marami pa ang makikinabang ng tulong at mas mapala-lakas ang mga pro-grama nito na sa ngayon ay kinikilala ng International community. Nagpapa-salamat kami sa mala-sakit ni Sen. Pacquiao sa boxing at combast sports, but so far, we’re good with GAB,” sambit ni Aguilar.
Bukod sa pagiging aktibo sa kanyang career sa boxing, itinatag din ni Pacquiao ang MP Promotions para pangasiwaan ang career ng ilang outstanding Pinoy fighters tulad ni Tokyo Olympics-bound Eumir Felix Marcial. Nitong 2014, naging kasosyo rin si Pacquiao ng ONE Championship – ang Singapore-based mixed martial arts promotion.
Nitong Huwebes, nagsagawa muli ng online meeting si Pacquiao hinggil sa naturang isyu at muli, iginiit ni GAB Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra na patuloy na nakatatanggap ng papuri ang ahensiya mula sa iba’t ibang international boxing bodies hingil sa mga reporma at programa na isinulong ng GAB sa nakalipas na mga taon at pananatiling aktibo sa panahon ng pandemya.
“We’re remiss on our duties. Kahit pandemic, tuloy kami sa pagmonitor sa kalagayan ng ating mga atleta at patuloy ang aming pakikipag-ugnayan sa Inter-Agency Task Force (IATF) na kagyat naman tumugon sa aming pangangailangan at rekomendasyon,” sambit ni Mitra.
Sa kabila nang patuloy na pakikibaka ng pamahalaan para maabatan ang COVID-19 pandemic, napahintulutan na ng IATF ang pagbabalik ng professional basketball, football, horseracing, boxing at combat sports.
“Kami naman po sa GAB trabaho lang at hindi tayo magpapabaya para sa ating mga atleta. Maayos ang ating trabaho at patunay dyan ang mataas na rating na ibinigay sa GAB ng Commission on Audit,” sambit ni Mitra.
Bukod kay Aguilar, nagbigay na rin ng suporta sa GAB ang iba’t ibang boxing group, promoters association, gayundin ang buong komunidad ng combat sports.(Danny Simon)