Advertisers

Advertisers

EBIDENSIYA VS ‘MAKABAYAN BLOC’ HAWAK NG NTF-ELCAC

0 302

Advertisers

HANDANG ilabas ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang mga ebidensiyang magpapatunay na ang mga miyembro ng Makabayan Bloc sa Kongreso ay tunay na may kaugnayan sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Inihayag nitong Linggo ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Undersecretary Lorraine Badoy, tumatayo ring tagapagsalita ng NTF-ELCAC, na ang mga ebidensiya at maging mga saksi na dating miyembro at cadre ng CPP-NPA-NDF ay kaya nilang iprisenta sa anumang imbestigasyon na maaring ipatawag ng mga mambabatas sa isyu ng kaugnayan ng mga Makabayan Bloc sa komunistang-teroristang samahan.
Ipinaliwanag ni Badoy na ito ang magiging paraaan upang pabulaanan ang aligasyon ng mga Makabayan Bloc sa Kongreso na sila ay nire-red-tagged lamang ng nasabing mga ahensiya. Katunayan, ayon kay Badoy, mismong mga dating kasamahan ng mga Makabayan Bloc ang siyang nagnguso sa mga ito sa NTF-ELCAC nang mapagdesisyunan ng mga itong sumuko na sa batas at pamahalaan.
“Ang kanilang (Makabayan Bloc) pangbu-bully sa mga opisyal ng pamahalaang humaharap sa pagdinig ng budget sa Kongreso ay paraan lamang nila upang mapabalam ang pagaapruba ng Mababang Kapulungan sa mga pondo ng ahensiyang kinakikitaan nila ng panganib na makakasagabal sa operasyon ng tunay na samahan nilang kinabibilangan, ang komunistang CPP-NPA-NDF,” paliwanag ni Badoy.
Dagdag pa ng opisyal, nagawa pang gamitin ng maka-komunistang mambabatas na lokohin at gamitin si dating Minority Leader Benny Abante upang samahan sila sa pagpigil ng pag-aapruba ng budget ng PCOO, NTF-ELCAC, National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at maging ng Department of National Defense (DND).
Nagamit ng Makabayan Bloc si Abante, ayon kay Usec. Badoy, sa pagtalakay ng mga Facebook posts na wala namang kinalaman ang PCOO o ang NTF-ELCAC. Ang pag-gamit sa mga tao at personalidad, dadag pa ni Badoy, ay “matagal nang taktika ng komunistang CPP-NPA-NDF”.
“May taga-gawa ng maruruming balakin nila, habang magbabalatkayo sila na human rights defenders, mambabatas, at tagapagtaguyod ng karapatan ng mga kababaihan at kabataan,” paliwanag pa ni Badoy.
Ginagamit din lamang aniya ng Makabayan Bloc ang isyu ng “red tagging” upang makapagkubli bilang totoong miyembro ng komunistang-teroristang CPP-NPA-NDF.
Mismong si Badoy ay umani ng masasamang pasaring ng mga Makabayan Bloc na mambabatas sa mga padinig sa pondo ng PCOO at NTF-ELCAC, na ang huling pagdinig ay umabot pa ng alas-dos ng umaga noong Biyernes (October 16, 2020) at humantong pa sa paghamon na magbitiw lamang ang opisyal upang kanilang ipasa ang budget ng PCOO at NTF-ELCAC.
Matatandaang bumuwelta si Badoy ng hamon, na kung aaminin ng mga kongresista na talagang sila ay kabilang sa CPP-NPA-NDF tatanggapin nito ang kanilang hamon na siya ay mag-resign sa kanyang posisyon.
Giit ng opisyal, ang pagtanggi ng Makabayan Bloc sa red-tagging ay dinaan pa ng mga ito sa mga petisyon sa mga korte na pawang ibinasura naman.
Tinuran niya ang desisyon na ibinababa ng Court of Appeals noong June 28 at sinabing walang ebidensiya ang “judicial killings, enforced disaapearances, arbitrary arrests, malicious prosecutions and defamations,” na alegasyong isinampa ng grupong Karapatan, Gabriela, at ng Rural Missionaries Mission sa pamamagitan ng pagsasampa ng ‘Writ of Amparo’ laban sa matataas na opisyal ng pamahalaan. Dagdag pa ng CA sa desisyon nito na ang mga alegasyon ng grupo ay walang basehan at hindi kinakailangan bigyan ng pagpapahalaga ng hukuman.