Advertisers
SUGATAN ang isang lalaki nang pagbabarilin ng isang radio announcer sa Iriga City.
Kinilala ang biktima na si Charlie Llagas, 40 anyos, residente ng Masoli, Bato, Camarines Sur.
Ayon sa Camarines Sur Police Provincial Office, habang nasa loob ng bahay ang biktima at nagkaroon ng mainit na diskusyon sa kaniyang live-in partner nang mangialam ang salarin na kinilalang si Juan Romeo Ramil Hugo, 53, retired BFP Personnel at radio announcer, ng Zone 3A, La Opinion, Nabua sa nasabing lalawigan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, hinamon ni Hugo ang biktima na lumabas sa kanilang bahay at silang dalawa ang maghaharap.
Dahil dito, agad na lumabas si Llagas na mayroong bitbit na patalim upang komprontahin si Hugo nguni’t bigla na lamang itong pinagbabaril ni Hugo.
Nagtamo ng mga tama sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang katawan ang biktima, na agad namang isinugod sa ospital.
Nakuha naman sa pinangyarihan ng insidente ang caliber 45 na baril, mga bala, at isang patalim.
Nasa kustodiya na ng mga awtoridad si Hugo.