Advertisers
Mahaba ang pagtitiis ng isang ina, anak, kaibigan at senadora sa pagkakapiit sa kasalanang nilikha ng isang berdugo ng timog. Mapait ang bawat araw ng pagtigil sa piitan higit sa isang taong walang sala sa kaninuman. Kinuyumos ang puso ng taong biktima ng karahasan ng taong mapaghiganti dahil sa salang batid na ginawa. Hindi nahalungkat ang mga usapin ng mga paniniil, pagpatay sa bayan na pinamumunuan dahil sa siya ang batas sa lugar. Ang ibig ang umiiral sa lahat ng oras dahil ang salita nito’y parang hari na ‘di mababali. Sa isang pagkakataon may isang tao ang nagtungo sa lugar ng hari upang alamin ang mga ginawang kabulastugan sa nasasakupan, nagtanim ng galit at ‘di lumimot sa nakaraan. At ng tuntungan ang upuan ng kapangyarihan ‘di nag-atubili ng paglikha ng mga kaso na gawa-gawa o imbento laban sa dating katunggali.
Lumipas ang panahon nagkita ang minsang nag-usisa at ang inusisa. Limot ng nag usisa ang lahat na nangyari dahil sa opisyal na gawain sa panahon bilang Chairperson ng CHR. Walang iniwan na kahit na katiting na galit o kung ano. Subalit iba ang dating sa kabilang banda, higit tangan nito ang kapangyarihan ng pamahalaan base sa basbas ng bayan. Hindi nakitaan ng kapinuhan ang taga timog at pawang mga panlalait ang postura sa babaeng walang mali sa ginagawa. Masisilip ang kababaang loob nito kahit ito’y halal ng bayan bilang senadora. Ngunit ‘wala ito sa taong tunay na nagtanim ng galit at tinitiyak na mabubulok sa piitan higit ang senadora higit sa panahon ng panunungkulan bilang pangulo. At ‘di nagtagal lumabas iba’t – ibang habla na naglagay sa senadora sa karsel ng walang katarungan.
Lumaon at nagtagal sa piitan ang senadora ngunit ‘di natigatig sa kalagayan, panlalait mula sa puno ng pamahalaan at mga alipores na umimbento ng mga kaso. Sa pagkakapiit, maraming natutunan ngunit ang yumuko’t magsipsip sa taong humamak at umapi’y ‘di isa sa mga ito. Kahit sa piitan, patuloy na tinutulan ni Nanay D5 ang mga EJK laban sa droga higit sa mga naakusahan o pinaghihinalaan lang, ‘di pa kasama ang bigla na lang humandusay dahil sa utos ng berdugong taga timog. Hindi napinid ang diwa na magpahayag ng legal at tamang opinyon kontra sa laban na ‘di napagwagihan ng dating pamahalaan. Sa huling bahagi o panahon ng pamumuno sa bansa ng berdugo ng timog, ‘di napigil ang patayan at dinaig ang COVID sa dami ng mga namatay. Ngunit ang kagandahan nito, nasilip ng ICC ang paglabag sa Karapatan Pantao ng mga biktima na siyang suheto ng imbestigasyon na nagpapakalog sa “yagbols” ng Inferior Dabaw Group.
Sa kalagayan ng hustisya sa Pinas, masasabing mabigat ang laban ng kahit sino higit ‘di ka kapanalig ng nasa kapangyarihan. Mailap ang hustisya’y tunay at ‘di makakamit kahit sadyang walang basehan ang mga akusasyon. Umabot sa higit na anim na taon ang usapin ng mga kaso ni D5, ang masakit, puro urong sa pagdinig ang naganap na nagpahaba sa prusisyon sa pananatili sa piitan. May pagkakataon na naipit ang senadora sa isang pangyayari na ginawa itong “hostage” ng isang tumatakas na preso. Tunay na mabait ang sanlumikha at walang masamang nangyaring sa senadora. Subalit ang pangyayari’y tunay na nagbigay alalahanin ‘di lang kay D5 maging sa mga taong malapit dito.
Sa pagpasok ng buwan ng Mayo, tunay na malapit sa Ina si D5 at nagkaroon ng mahiwagang kaganapan ng maglabas ang Korte na dumidinig sa kaso ng hatol na nagpapawalang sala o saysay sa mga kasong isinampa sa senadora. Tunay na ‘di kayang takpan ng kahit milyon milyong kasinungalingan ang isang katotohanan. Ginawad ng isang Judge na nagngangalan Abraham Joseph Alcantara ang hatol ng pagpapawalang batayan ang kasong kinakaharap ni D5. Ang mga unang sanaysay ng mga saksi na sa huli’y binawi ang nagbigay daan upang mapawalang saysay ang kasong isinampa. Tunay na isang usaping politika at paghihiganti ang isinampang kaso laban sa senadora. Ang masakit, may mga pilipitan ng braso o leeg sa paggawa ng mga sanaysay o affidavit na sa huli’y babawiin. At hayun parang ice cream na natunaw dahil hungkag sa katotohanan.
Ang hatol ng pagpapawalang sala kay D5 ng korte’y malinaw na indikasyon na walang sala ang akusado at lusaw ang pahayag ng mga nag-aakusa. Nang maliwanagan ang isip ng mga saksi at puro imbento ang kaso, parang dominong bumagsak ang posisyon ng gobyerno laban sa senadora. Ang kalakasan ng bagong pamahalaan noon ni Totoy Kulambo na pumipilipit sa mga bulaang saksing ang siya ring dahilan ng pagbagsak ng mga kaso. Sa totoo lang dalawang kaso na ang nalagpasan ni D5. Sana, ang anino ng nakaraan ang gamitin sa darating na panahon sa pagtugis sa mga taong pina-iikutan ang katarungan. Ang masakit may ilan nasa pwesto ang nagpahayag ng opinyon sa kaso na maraming kesyo. Samantalang tikom ang bibig sa usapin ng anak na ‘di malaman kung paano napawalang sala. Ayos na ang usapin sa korte ang manahimik ang tamang kilos at inaasahan.
Ang pagpapawalang sala sa isang akusado’y malinaw nasa mayroong hustisya sa bansa, may ilaw sa dulo ng kweba. Ang masarap na katotohanan ang mapalaya sa pagkakapiit sa sinuman na naakusahan ng gawa-gawang usapin. Sa totoo lang, ang maglagak ng piyansiya matagal ng dapat na ginawa subalit sa damdam ng naakusahan na ito’y mapapawalang sala sa takdang oras. At ito ang naganap kay D5, ang mga isinampang kaso’y pawang likha ng diwa ng berdugong tunay na mapanira ng buhay. Ang pansamantalang pagkapiit ng senadora’y tunay na berdugo ang nag-utos na gawin higit sa isang anak, isang ina, isang senadora at isang alagad ng korte. Ang mapaghiganting ugali ng berdugo ng timog ‘di dapat palagpasin. Ang magsulong ng kasong magbubulok sa berdugo ang siyang mithi nang makamtam ang tunay na katarungan sa lahat ng biktima ng karahasan at ‘di lang kay D5.
Maraming Salamat po!!!