Advertisers

Advertisers

PAGDUKOT KINA AMATORIO HAGIP NG CCTV; PINSAN NATAGPUANG BANGKAY!

0 1,096

Advertisers

NATAGPUAN nitong Huwebes ng hapon ang bangkay, tadtad ng saksak ng ice pick, ang lalaking kasama ni Meyah Amatorio matapos silang dukutin nitong Miyerkoles, sa Calamba City, Laguna.
Ang bangkay ni Adrian Ramos, kasama ni Amatorio nang dinukot sa kanilang bahay, ay natagpuan sa Barangay Maunong, Calamba, malapit sa lugar kungsaan nadiskubreng bangkay sa loob ng kanyang kotse ang lady driver na si Jang Lucero, kasintahan ni Amatorio, noong nakaraang buwan.
Ang labi ni Ramos ay dinala sa King’s Heaven Funeral.
Si Amatorio, isa sa mga pangunahing suspek sa pagpaslang kay Lucero, at pinsan niyang si Ramos ay dinukot ng sampung armadong lalaki sa kanilang tahanan sa Bay, Laguna 12:30 ng tanghali ng Miyerkoles, Hulyo 29.
Ang pagdukot sa magpinsan ay nakuhanan ng CCTV camera. Ipinakita ng isa sa mga saksi ang video kungsaan mapapanood na nabalot ng tensyon ang compound na tinitirahan ng mga Amatorio nang dumating ang mga armadong lalaki.
Ayon sa isang kaanak na nakasaksi sa pangyayari, unang dumating ang dalawang lalaki at sinabing may dala ang mga itong arrest warrant mula sa korte at hinanap si Adrian.
Nang marinig daw ito ni Meyah ay sumilip ito, ngunit maging ito ay dinakip narin ng mga lalaki matapos dumating ang tatlo pang lalaki.
Sa isang larawan na ibinahagi ng isa pang saksi, makikita ang isang lalaki na may hawak na armas habang ang isa naman ay hawak si Adrian.
Sabi ng isa sa mga kaanak ni Meyah, habang tinutukan sila ng baril ay nagpaputok pa ang isang lalaki.
Hindi rin daw sila makalapit dahil nanunutok ang mga ito ng baril.
Sugatan naman ang ilan sa pamilya ng Amatorio na tinutukan at itinulak sa gitna ng pagdakip sa dalawa.
Sa isang CCTV footage, makikita ang pagsakay ng grupo sa isang sasakyan na sinundan ng dalawa pang sasakyan.
Inaalam pa ng pulisya kung may kinalaman ang insidente sa pagpatay kay Jang Lucero.
Muli namang iginiit ng ina ni Meyah na wala silang kasalanan o kinalaman sa krimen.
Una nang itinanggi ni Meyah ang pagkakasangkot niya sa brutal na pagpatay sa karelasyon.
Kamakailan lang ay dinakip ng mga pulis ang ex- girlfriend ni Meyah na si Ann Shiela Belarmino na unang itinurong suspek, ngunit pinalaya ng piskalya dahil walang sapat na ebidensiya na magdidiin dito.
Sa kabila nito, nais parin ng pamilya ni Lucero na imbestigahan ng NBI si Meyah.(PTF team)