Advertisers

Advertisers

‘FEMI-NAZI’

0 892

Advertisers

MAHILIG silang magpanggap na feminist, o iyong mga babaeng nagtataguyod umano ng interes at kapakanan ng mga kababaihan. Huwag na huwag magsasalita ang sinuman ng anuman na sa tingin nila ay nakakababa sa katayuan ng mga kababaihan at sisinghalan ka ng mga babaeng nagpapanggap na tagapagtangol ng liping kababaihan.

Ngunit hindi naman sila feminist talaga. Sa totoo, sila ang mga tinaguriang makabagong “femi-nazi.” Masahol pa sila sa mga panatikong alagad ni Adolf Hitler, diktador na naghari sa Nazi Germany at nag-umpisa ng Pangalawang Digmaang Pandaigdig. Utak-panatiko rin sa madaling salita. Huwag na huwag kang magkamali bumangga sa kanila at tiyak na magbubunganga sila.

Nandito sila sa social media at mahilig mamayagpag bilang tagapatanggol ng mga kababaihan. Ngunit kahit mga babae, hindi sila sineseryoso. Tingin lang nila sa sarili iyon. Iyon ang kanilang palamuti upang magawa ang isang bagay na kasumpa-sumpa – ang manghingi ng donasyon at kontribusyon sa mga kumokontra kay Rodrigo Duterte.



Paglilinaw lang: Hindi sila mga tagasuporta ni Duterte. Hindi sila kumakatawan sa tinatawag ng marami na DDS. Sa totoo, nakikisukob sila sa puwersang nagtataguyod ng demokrasya. Pilit silang sumisingit kina VP Leni, Senadora Leila de Lima, Sonny Trillanes, Mar Roxas, Kiko Pangilinan, at iba pa. Kagulat-gulat ang kanilang pagsisipsip sa mga personalidad ng demokrasya. Kahit maapakan ang kanilang ingrown ay nagagawan nila ng isyu.

Sa diretsong pangungusap: Sila ang kalawang na sumisira sa puwersa ng demokrasya. Kahit ang mga maituturing na kanilang kakampi ay pilit na lumalayo sa kanila. Sila ang mga babaeng tinaguriang “toxic” ng sana ay kanilang kakampi.

Simple ang istilo ng mga femi-nazi. Kapag hindi nagustuhan ang sagot sa post ng isa sa kanila, uupakan pilit. Kapag hindi nakaya, block agad nila. Kukunan ng screenshot ang post kontra sa kanilang paniniwala at gagawa ng sariling post kung saan pilit na uupakan ang katunggali. Pilit pa magpapaawa. Hindi sila nalalayo sa mga sinasabi nila na “DDS”. Paglilinaw, hindi ko lengguahe ang DDS. Hindi ko alam kung ano ibig sabihin niyan. Iyan ang taguri nila sa kalaban nila.

Tapos na sana kung ganyan lang. Hindi malaking isyu iyan. Ngunit may madilim silang lihim – hindi naman talagang lihim dahil bistado na sila. Sila ang mahilig manghingi ng kontribusyon at donasyon sa mga taong sumasalungat kay Duterte. Pilit na nakikinabang sa pagsalungat kay Duterte. May accounting ba sa mga donasyon? Wala. Galit pa sila kapag hiningan ng paliwanag. Kaya nga mga “babaeng toxic” ang taguri sa kanila ng kanilang kapanalig sana.

***



NOONG Lunes, ipinasa ng Senado ang panukalang batas na nagbibigay pahintulot na gawin ang P736 bilyon na proyekto na magtatayo ng isang paliparan na pandaigdigan sa bayan ng Bulacan sa lalawigan ng Bulacan. Magsisilbi rin prangkisa ang ipinasa nang batas para sa operasyon nito. Build-operate-transfer ang tawag sa ganitong proyekto. Proyekto ito ng San Miguel Corporation (SMC), isang malaking grupo ng kumpanya na ang linya ay pagkain at inumin.

Walang isusukang pera ang gobyerno. Gagastusan ito ng SMC. Patatakbuhin ito sa loob ng 50 taon. At ibibigay sa gobyerno pagkatapos. Bahagi ito ng Public-Private Partnership (PPP), ang proyektong pang-imprastraktura ng gobyerno ni Noynoy Aquino. Hindi ito bahagi ng Build, Build, Build ni Duterte na mukhang natengga na sa kawalan.

Nangarap si Duterte na dumating ang kapital na galing China upang pumalit sa kapital ng Kanluran na pawang mga nangawala dahil sa hindi pumayag si Duterte na pigilan ang madugong giyera laban sa droga at mga EJKs. Walang balak ang mga Kanlurang bansa na bumalik habang hindi tumigil ang mga patayan dito. Hinimok ni Duterte na pumalit ang pera galing China, ngunit mukhang pinaasa lamang si Duterte kasi hindi naman dumating ang napakalaking bahagi ng ipinangakong salapi.

Sa maikli, ang kredito ay sa administrasyon ni PNoy at hindi kay Duterte sa proyekto ng SMC na maaaring mag-umpisa sa susunod na taon at matatapos kung wala na si Duterte sa poder. Walang kinalaman si Duterte sa proyektong ito. Walang-wala.

***

KUNG hindi mag-iingat si Duterte, lalong sasama ang imahe ng PNP sa publiko. Sapagkat magreretiro ang kasalukuyang hepe ng PNP, marapat lamang pumili si Duterte ng karapat-dapat. Bawal sa kanya ang magkamali. Papatapos na ang kanyang termino.

Sa ganang amin, mabuting piliin niya si Maj. Gen. Guillermo Eleazar na sa aming palagay ay tumugon sa pangangailangan ng isang propesyonal na liderato sa PNP. Maraming tiwaling pulis. Kahit dinoble ang sahod, nananatiling mga tinik sila sa lalamunan ng bayan. Napupusuan namin si Eleazar sapagkat hindi niya bibiruin ang mga tiwaling pulis sa serbisyo.

Panahon na upang supilin ang tiwaling pulis na walang pagmamahal sa kanilang sinumpaang tungkulin at uniporme. Si Eleazar ang makakasagot sa ganyang pangangailangan. Bukod diyan, kaibigan ni Eleazar ang media. Wala siyang pinipiling kausap. Basta taga-media, maliit o malaki, kinakausap niya. Napaka accommodating niya. Text lang, kahit dis-oras ng gabi, sasagot siya at sasagot.

Hindi namin alam kung bakit mahirap kausap ang ibang kasama niyang opisyales. Ngayon, malayo ang agwat ng mga opisyales sa media. Parang may bakod. Kapag nababatikos umaaray. Sobrang maramdamin at manipis. We want friendly police officers.

***

HINDI namin alam kung ganap na nasapian o sadyang nabuwang na si Alan Peter Cayetano. Natalo siya sa labanan sa liderato ng Kamara de Representante, ngunit nagpipilit pang humirit. Hinihingan niya ng palabra de honor si Ispiker Lord Alan Velasco na huwag tanggalin ang kanyang mga bata bilang chairman ng kani-kanilang komite.

Okay na sana ang kanyang hiling ngunit siya ang taong hindi marunong kumilala sa palabra de honor. Ayaw niyang bumaba sa poder at sumang-ayon sa napagkasunduan tungkol sa term-sharing. Siya ang taong walang isang salita at hindi mapapagkatiwalaan. Marapat lamang pagtatanggalin sa puwesto ang mga bata ni Cayetano. Hindi tama na sumunod si Ispiker LAV sa gusto ni Cayetano.

Isang taong walang dangal si Cayetano. Kung nakakaramdam siya ng hiya, marapat lamang na tumahimik siya at mawala sa eksena. Pinakamaganda ang magbakasyon muna siya at mag-isip-isip. Dapat lamang magmuni-muni siya sa nangyayaring pagtalikod sa kanya ng kanyang mga dating kapanalig. Walang kuwenta si Cayetano. Iyan ang tingin sa kanya.

May sawikain ang mga Hapones sa ginagawa ni Cayetano at sampu ng kanyang mga kampon. Sa atin, sasabihin natin na talunan na, pero humihihirit pa. Pero sa mga Hapones, taghoy ng mga talunang aso ang kanilang taguri. Masakit pero totoo iyan.

***

MGA PILING SALITA: “Bambol Tolentino would not lift a finger to press and ensure that his kabarkada – Alan Peter Cawatano, in his capacity as chief organizer of the 2019 SEA Games – would submit audited financial statements re expenditures of SEAG. Bambol Tolentino, in his capacity as president of the Philippine Olympic Committee, has virtually protected Cayetano. Now that Cayetano had his downfall, let’s see if Bambol would rise to the occasion and press Cayetano to submit financial statements. Or they sho0uld go to jail for big time corruption. The Philippine Sports Commission poured at least P1.4 billion for SEAG. Hence, SEAG organizers, the Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee, PHISGOC, of which Cayetano is the recognized head, is required to submit financial statements and follow state rules and auditing procedures. Bambol Tolentino should stop helping Cayetano to skirt Commission on Audit rules. By way way, Bambol Tolentino was the former chair of the powerful House committee on accounts, which handles the House finances. Bambol and Cawatano, er… Cayetano are reputed to be close friends.” – PL, netizen

“Cayetano is pathetic. After his rival beat him, he couldn’t do anything but ‘resign’ to save face. He didn’t have the last say, but his opponent did. Cayetano has been reduced to a total specter of failure, public embarrassment, and shame. It should have been avoided, but he wouldn’t listen.” – Archie Cruz

***

Binabati namin si Marites Fallaria, ang amin masugid na tagasubaybay na nagdiriwang ng kaniyang ika-58 na kaarawan. Happy birthday po.

***

Email:bootsfra@yahoo.com