Advertisers
Ni BLESSIE K. CIRERA
ISANG malaking desisyon para kay Gab Bayan na mula sa pagiging isa sa mga Bae ng Eat Bulaga ay umalis ito sa grupo para lumipat sa People’s Television Network (PTV) at maging news anchor at morning host.
Tsika ni Gab sa idinaos na press launch kamakailan ng mga news program ng PTV sa pangunguna ng General Manager na si Kat de Castro, mas masaya anya siya sa pagiging news anchor-host lalo pa’t nakapagbibigay ng kaalaman sa bayan.
Sey pa ng guwapo at matalinong anchor ng primetime newscast Ulat Bayan at morning program Rise and Shine Pilipinas, naaya lang daw siya ng isang kaibigan na mag-audition sa contest sa EB na That’s My Bae at pinalad na mapasama bilang isa sa pitong nanalo.
Kadalasan umano na sila ang kasama ni Alden Richards bilang back-up dancers sa Bulaga. Pero kalaunan ay naisip ni Gab na hindi niya linya ang pagsasayaw at at showbiz kaya sinubukan niyang mag-audition sa PTV na sinuwerte naman siyang natanggap.
Kahit baguhan pa lang sa pag-newscast at pagho-host, naramdaman na agad ni Gab na ito ang linya o trabahong mas akma sa kanya.
Sey pa ni Gab na nagtapos ng kursong Communications sa FEU, mas mahalaga raw sa kanya ang makapagbigay ng impormasyon sa tao sa pamamagitan ng mga programang ginagawa niya sa araw-araw.
Bukod sa Ulat Bayan at Rise and Shine Pilipinas, naging host din ng youth-oriented show na Schoolmates si Gab na binansagan ding Anchor Bae ng PTV.
Samantala, seryoso ang PTV na makipagsabayan sa mga katapat na network sa pagbibigay ng mga sariwa at mahahalagang balita.
Ayon nga kay GM Kat, mas palalakasin pa raw nila ang paghahatid ng serbisyo para sa bayan, kasabay nito ang paghikayat niya sa mga mamamayan na ipaalam sa kanilang mga programa ang mga nais nilang ipahatid sa gobyerno dahil ang PTV lang umano ang tanging channel na pinanonood ni Pangulong Duterte.
Sa Ulat Bayan at Ulat Bayan Weekend, maghahatid ng mahahalagang balita at impormasyon sina Erwin Tulfo, Aljo Bendijo, Alex Santos, Diane Querer, Usec. Rocky Ignacio, at Joee Guilas.
Sa Rise and Shine Pilipinas naman, maliban kay Gab ay makakasama n’yo rin sa almusal sina Aljo at Diane.