Advertisers
ARESTADO ang isang pasahero makaraang mahulihan ng isang baril ng screening officer habang nasa final security check ng departure area, ilang sandali bago lumipad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 4 patungong Davao noong Miyerkules (April 26).
Ayon kay Kim Marquez, tagapagsalita ng Office of Transportation Security (OTS) na isang papaalis na pasahero na kinilalang si Mamayla Tatang, 23, ay inaresto ng mga otoridad matapos makita ni OTS Screening Officer (SSO) Gerlyn Siwa ang hinihinalang hugis ng baril mula sa bagahe nito nang sumailalim sa X- ray screening.
Nabatid sa ulat ng pulisya na habang nagsasagawa ng x-ray scanning si SSO Siwa sa mga pasahero ng Airsia flight Z2 611 patungong Davao ay nakita niya ang isang imahe na kahawig ng baril dahilan upang tawagan nito ang kanilang supervisor at baggage inspector pati na rin ang kinatawan ng Philippine National Police Aviation Security Group (PNP AVSEGROUP) upang saksihan ang inspeksyon ng bagahe bilang isang bagay ng pamamaraan.
HIndi na nagbigay ng anumang pahayag ang pasahero tungkol sa pag-iingat nito ng isang baril na kalawangin kaya’t dinala ng mga pulis ang una sa kanilang tanggapan habang ang baril na kinumpiska kay Tatang na walang kaukulang dokumento ay isinumite para sa ballistic examination.
Si Tatang ay nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso sa piskalya dahil sa paglabag sa RA 10591 o mas kilala bilang illegal possession of firearms.
Pinuri naman ni OTS Administrator Undersecretary Ma. O Aplasca ang mga screening officers dahil sa kanilang pagiging alerto at kasanayan sa pagbabantay upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga paliparan sa bansa. (JOJO SADIWA/JERRY TAN)