Advertisers
Sa gitna ng magkasalungat na deklarasyon mula sa mga lokal na opisyal, iginiit ng alkalde ng Puerto Galera na ligtas ang katubigan sa turismo para sa lahat ng aktibidad na may kinalaman sa tubig.
Sa panayam ng ilang mamamahayag, sinabi ni Puerto Galera Municipal administrator Carmela Leviste-Datingguinoo na pinaninindigan ni Mayor Rocky Ilagan ang opisyal na pahayag na inilabas noong Sabado, Abril 15, na nagsasabing hindi kabilang ang karagatan ng Puerto Galera sa mga idineklara ng Office of Civil Defense (OCD) bilang kontaminado ng oil spill mula sa tanker na lumubog noong Pebrero 28, 2023.
Ang OCD ang nangungunang ahensya na inatasan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na subaybayan ang epekto ng oil spill na dulot ng lumubog na MT Princess Empress.
Ayon kay Mayor Ilagan, naglabas ng pahayag si Health Undersecretary Maria Rosario Vergere na nagsasabing hindi gusto ng DoH na magpataw ng “swimming ban” sa Puerto Galera dahil hindi conclusive ang resulta ng mga isinagawang pagsusuri.
“Usec Vergere has emphasized right now, ang affected pa lang naman at ang tinest natin ay ‘yung nasa shorelines na naapektuhan ng oil spill, Puerto Galera is not among those pero nagkaroon sila ng random sampling ng test across the different areas and Puerto Galera has been included. Hindi pa conclusive kaya hindi natin masasabi,” wika ni Ilagan.
Sa pagbisita ni Pangulong Ferdinand “Bong Bong’’ Marcos Jr. sa bayan ng Pola noong Sabado para ipamahagi ang tulong sa mga apektadong residente, tinukoy ni Oriental Mindoro Governor Humerlito “Bonz” Dolor ang Puerto Galera bilang isa sa mga bayang naapektuhan ng oil spill batay sa ulat ng Environmental Management Bureau ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Ayon sa resulta, tulad ng nai-post ni Dolor sa kanyang Social Media Page, ang karamihan sa mga sample ng tubig ay “hindi umayon sa mga alituntunin sa kalidad ng tubig na itinakda para sa kalidad ng tubig nito na nagpapahiwatig ng pagkakaroon ng langis at grasa.”
Sinabi ni Dolor na matapos matanggap ang ulat, ginawa niya ang anunsyo kasama si Pangulong Marcos, mga kalihim ng Gabinete, at mga alkalde ng Puerto Galera, San Teodoro, Baco, Naujan, Socorro, Pola, Pinamalayan, Bansud, Bongabong at Bulalacao.
Kinumpirma naman ni Leviste-Datingguinoo na patuloy na dinadagsa ng mga turista ang Puerto Galera at walang swimming ban na ipinataw. Dagdag pa niya, personal na binabantayan ni Mayor Ilagan ang mga sitwasyon sa mga beach resort at swimming area.
Tutukan natin!
***
Suhestyon at Reaksyon mag-email lang sa balyador69@gmail.com. – Ugaliin ring makinig sa programang “BALYADOR” mula lunes hanggang biyernes 11:00am-12:00noon sa RADYO NG MASA entertainment net radio. tuwing miyerkules 9:00am-10:00am sa 96.9 FM Radyo Natin Calapan City, Oriental Mindoro at tuwing Sabado 9:00am-10:00am sa DWBL 1242 kHz AM Mega Manila. Mapapanood live sa Facebook at Youtube chanel.