Advertisers
DIGMA laban sa bawal na gamot ang isa sa pangakong nagdala kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Malakanyang noong eleksiyon ng 2016.
Ayon sa oposisyon, talamak ang EJK sa patuloy na war on illegal drugs na humantong sa pagsasampa ng kaso laban sa Pangulo sa International Criminal Court at ang pakikialam ng mga opisyal ng Human Right ng United Nations at maging ng mga politikong Amerikano.
Handa raw siyang makulong, sabi ni Duterte at kahit mapunta pa siya sa impiyerno, okay lang, sabi niya, basta ang mahalaga, mailigtas niya ang Filipino laban sa salot ng ilegal na droga at iba pang karumaldumal na krimen.
Isa sa mahalagang hiniling ni Duterte sa Kongreso at Senado sa kanyang ika-5 State of the Nation Sddress (SONA) ay iprioridad ang pagpapasa ng death penalty by lethal injection.
Sabi ng Pangulo: “This law will not only help us deter crimina-lity but also save our children from the dangers paused by illgal drugs.”
Asahan natin na mabilis na kikilos ang mga grupong relihiyoso na kokontrahin ang pagbabalik ng parusang kamatayan sa karumal-dumal na krimen, lalo na ang negosyo ng ilegal na droga.
Asahan na ngangalngal, aangas at mag-aalsa boses ang maraming human rights advocate laban sa pagbuhay ng capital punishment.
Talagang matindi ang galit ng Pangulo sa mga druglords at drug traffickers.
Hindi kinalimutan ng Pangulo ang paghikayat sa Kongreso na unahin na ayusin ang sistema ng pagreretiro at pagtataas ng pension, at muling idiniin niya dinoble niya ang umento ng mga pulis sa layuning mawala ang korapsiyon at mabigyan sila ng disenteng buhay.
***
Kalakip na sa buhay natin ang disaster: kalamidad, bagyo, pagsabog ng bulkan, malubhang pagbaha, sunog, aksidente, at ang mabilis na pagtugon sa epidemya at pandemya tulad ng COVID-19, kaya sabi ng Pangulo ngayon na dapat na likhain ang isang Department of Disaster Resilience and People’s Safety.
Itatag na ito bago pa hagupitin ng isang malubhang disaster, tulad ng pagsabog ng bulkang Taal.
Nakikita ba nyo na halos wala na tayong malulusog na lupang sakahan, mga lupang pastulan at pwedeng gawing pangisdaan dahil sa walang habas na pagpapalit-gamit ng lupa?
Maging ang mga ilog at sapa, katubigan ay tinatabunan upang gawing pook komersiyal at tirahan.
Wala na ang kagubatan, maging ang mga kabundukan ay sinalanta na ng pagkagahaman na kumita ng malalaking salapi at ano ang kapalit – kakapusan natin sa pagkain; maruming tubig at kontaminadong hangin.
Kaya ang sabi ng Pangulo sa Kongreso, pakisilip lang ho ninyo ‘yan, at ipasa ang isang bagong National Land Use Act – na kung ilang dekada nang nakalibing sa Batasan.
Mahalaga, sabi ni Duterte na linisin, muling ibalik ang ganda ng kalikasan at patuloy ito na pangalagaan tulad ng ginawa sa Boracay.
Kailangan nang iahon sa kahirapan ang mga magsasaka, lalo na ang magniniyog, sabi ng Pangulo kaya hiniling niya sa mga mambabatas na likhain na ang Coconut Farmers Trust Fund na sa alam natin, ito ay nasa bilyon-bilyong piso sa tinatawag na Coconut Levy Fund.
“Tulungan natin ang ating magsasaka,” pakiusap ni Duterte.
Upang mapalakas at mapalago pa ang e-commerce, hinikayat niya na magpasa ng Internet Transaction.
***
Duwag, taksil at tuta raw ng China si Duterte!
Sinasayang daw ng gobyerno ang panalo sa territorial dispute, lalo na ang tungkol sa West Philippine Sea (South China Sea).
Hindi iniintindi ni Duterte ang paninisi nina dating Senior Associate Justice Antonio Carpio, dating Philippine Ambassador Albert del Rosario at ni dating Sen. Sonny Trillanes sa kabiguan ng gobyernong ito na ipaglaban ang panalo natin sa Hague.
Sabi ng Pangulo, “China is claiming it. We are claiming it. China has the arms. We do not have it.”
Hawak na ng China ang mga isla ng Spratley, Scarborough Shoals at ang malaking bahagi ng WPS na inaangkin din ng Malaysia, Brunei, Taiwan at Vietnam.
Bakit daw matapang ang Taiwan at Vietnam na labanan ang China, pero tayo ay naduduwag sa kabila ng panalo na sa UN arbitration on the Laws of the Seas.
Hindi naman daw giniyera ng China ang Vietnam nang itaboy ang paglapit ng barko de giyera ng China.
E, tayo ba, may katulad ba tayo ng lakas militar at may barko de giyera na ilalaban sa China.
Kung ang US ay andap sa puwersa nuclear na mayroon ang China, ano ang ilalaban natin – ang segunda manong barko na donasyon ng Amerika?
Madudurog tayo kung digmain tayo ng China.
“Inutil ako dyan, aminin ko sa inyo. Wala akong magawa,” sabi ni Duterte.
Ipinababahala na niya sa susunod na Pangulo na solusyonan ang agawan sa teritoryo sa South China Sea.
Pero sa panahong ito, sabi ni Duterte, ayaw niyang isubo sa giyera ang Pilipinas at dadaanin niya sa diplomasya at pakikipagkaibigan ang problema sa territorial dispute.
Sa digmaan, matitiris tayo na parang ipis laban sa higanteng puwersa ng armas at military ng China, at ito ang mapait na katotohanang kailangan nating tanggapin ngayon.
***
Para sa inyong suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.