Advertisers
NADAKIP na ang pumatay sa isang anti-terror police intelligence sa General Santos City nitong Sabado.
Kinilala ang salarin na si Jengilo Sotto.
Naaresto si Sotto, ang bumaril diumano kay Cpl. Razul Alongan, ng magkasanib na mga operatiba ng Police Regional Office-12 at ng General Santos City Police Office sa Barangay Klinan, Polomolok, South Cotabato.
Ayon kay Brig. General Jimili Macaraeg, director ng PRO-12, kusang nagpaaresto si Sotto sa mga pulis na dumating sa kanyang pinagtataguan sa Barangay Klinan na natunton sa tulong ng mga impormanteng nakakakilala sa kanya.
Si Sotto ang sinasabing bumaril kay Alongan sa ulo, gamit ang .45 caliber pistol, habang kumakain ang biktima sa isang restaurant sa Barangay Fatima sa General Santos City.
Ayon kay Macaraeg, may indikasyon na si Sotto nga ang bumaril kay Alongan, isang intelligence agent ng Tambler Police Station sa General Santos City, dahil sa Polomolok ito nagtago at hindi umuwi sa kanilang lugar sa bayan ng Alabel, Sarangani nang maganap ang krimen.
Inaalam pa ng mga imbestigador kung ano ang motibo ni Sotto sa pagpaslang kay Alongan.