Advertisers
Arestado ang isang lalaki nang molestiyahin ang menor de edad na kapitbahay sa Quezon City.
Inireklamo ng mga magulang ng babaeng biktima ang 24 anyos na suspek, na taga-Barangay Bagbag, Novaliches. Agad umanong rumesponde ang mga awtoridad kaya nahuli ang suspek.
Base sa imbestigasyon ng Quezon City police, naghahapunan ang pamilya ng biktima kasama ang suspek.
Nang pumunta sa banyo ang biktima, hinintay siya ng suspek at biglang hinawakan sa maselang bahagi ng katawan.
Tinakot din umano ng suspek ang biktima na kung hindi ito susunod sa sasabihin niya’y sasabihin niya sa magulang ng biktima na isa siyang bully sa paaralan.
Kinausap umano ang biktima ng kaniyang ina matapos nitong mapansin ang kakaibang pakikitungo sa suspek.
Nilahad umano ng bata ang mga ginagawa sa kaniya ng suspek, na nagsimula pa pala noon pang 2010.
Aminado naman sa kaniyang ginawa ang suspek, na mahaharap sa kasong child abuse.