Advertisers
HINDI lang dito sa Bigwas! ko tinatalakay at binibigwasan ang P663.7 bilyong hinihinging badyet ng Department of Public Works and Highway (DPWH, kundi maging sa kolum ko sa SAKSI NGAYON na BADILLA NGAYON.
Ito’y dahil malaki talaga ang problema sa nasabing badyet na iginigiit ni DPWH Secretary Mark Vilar para sa 2021.
Una, mahigit P500 bilyon sa badyet ng DPWH na “lumpsum” at “inulit” lang.
Kapag sinabing lumpsum, walang detalye ang kahulugan nito.
Kapag inulit, ibig sabihin pinondohan ulit ang proyektong mayroon nang pondo.
Madaling pasukin ito ng mga korap na opisyal at inhinyero ng DPWH, kakutsabang kontratista at iba pang aktibong ‘sawsaw’ sa proyekto upang magkaroon ng parte sa 10% komisyon.
Ikalawa ay ang hindi patas na pagbibigay ng DPWH ng pondo sa bawat distrito ng mga kongresista.
Ito ang inangal ni Rep. Arnolfo Teves Jr. dahil ang nakuha niya para sa kanyang distrito sa Negros Oriental ay dalawang bilyon lang daw.
Ang inilaan ni Represenative Alan Peter Cayetano noong siya pa ang speaker ay mahigit P8 bilyon at kay Camarines Sur Representative Luis Raymund Villafuerte Jr. ay P11.8 bilyon.
Obligadong busisiin ang mga isyung ito ng mga kongresista bago nila aprubahan ang hinihinging badyet ng DPWH, sa partikular, at ang buong P4.5 trilyong badyet ng pambansang pamahalaan para sa 2021.
Tiniyak ni Speaker Lord Allan Jay Velasco na pasado na sa Kamara ang badyet sa Oktubre 16.
Walang problema kung sa Oktubre 16 ay pasado na ang badyet batay sa kanyang ipinangako kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang mahalaga ay maayos ang badyet ng DPWH.
Ang mahalaga ay walang mahigit P500 bilyong inulit at walang lumpsum sa badyet ng DPWH.
Ang mahalaga ay patas ang perang ilalaan sa bawat distrito upang patas din ang gagawing pagpapaunlad ng mga kongresista sa kani-kanilang nasasakupang distrito.
Pagpapaunlad ng bawat distrito para sa interes at kagalingan ng mga residente sa bawat distrito ng bansa at hindi patas sa bank account ng mga kongresista.
Nagkakaintindihan ba tayo?!