Advertisers
Wala pa man ang Covid-19, taunan nang nahaharap sa “pandemya” ang mga guro. Hindi lang sa pagbubukas ng klase kung hindi sa buong isang academic year.
Nandiyan iyong abonado ang mga guro – kulang kasi ang budget na inibigay para sa kanila tulad ng mga materyales na kailangan sa pagtuturo. Maging nga sa pagbili ng tsok ay hirap nila itong pagkasyahin para sa loob ng isang taon.
Nandyan din ang ginagawa nilang pagbisita ng personal sa kanilang mga estudyante na halos hindi na pumapasok sa paaralan sa kadahilanan walang pamasahe, walang baon, walang katuwang ang magulang sa pagtatrabaho sa bukirin, at maraming iba pa.
Ang lahat ay sinisikap gawin ng isang guro alang-ala sa mga bata upang hindi sila mahuli sa kaalaman lalo’t edukasyon talaga ang masasabing isa sa pag-asa ng lahat, bata man o matanda.
Sa mga ginagawang pagsisikap ng mga guro lalo na sa mga nagtuturo sa eskuwelahan na pinatatakbo ng pamahalaan, abonado o mula na sa bulsa nila ang gastusin sa kabila ng mababang sahod.
Napapanood naman natin sa mga balita sa telebisyon “featured story” kung gaano kahirap abutin ng mga guro sa liblib na lugar ang kanilang mga mag-aaral na minsanan lang pumapasok o hindi kaya maging sa araw-araw na pagpasok sa school ng isang guro. Tinatawid ang mga rumaragasang ilog, inaakyat ang mga maputik at matarik na bundok pero hindi ito nagiging sagabal marating lamang ang eskuwelahan o ang isang mag-aaral sa kanilang bahay.
Nitong Oktubre 5, 2020, nagbukas na ang klase sa ilalim ng nakakapanibagong estilo ng pagtuturo dahil sa pandemya. ‘ika nga distance learning.
Sabi ni DepEd Sec. Leonor Briones, matagumpay ang pagbubukas ng klase sa kabila ng banta ng COVID-19. Bakit daw napagtagumpay ang pagbubukas ng klase?
Ito ay sa kadahilanan na napaghandaan ang lahat para sa mga mag-aaral – educational TV at radio shows sa buong bansa bukod pa rito ang printed learning modules na ipinamahagi sa mga mag-aaral na walang gadgets o walang internet sa kanila lalo ang mga nasa malalayo at liblib na lugar.
Ginawa ng mga guro ang lahat, makarating lamang sa mga estudyante ang mga module.
Iyan ang mga guro, hindi lamang ngayon panahon ng pandemya kung hindi noon pa man, buwis buhay na sila.
Kung noon pa man ay buwis buhay na ang mga guro, mas lalo ngayon dahil sa kinahaharap na kalaban, ang COVID. Sa paglalabas, pagpunta sa bahay ng mga estudyante para gabayan ang mga bata, malaki ang posibilidad na mahahawaan sila ng virus pero hindi ito alintana sa mga guro. Katunayan, gaya ng naunang nabanggit noon pa man talagang buwis buhay na ang mga guro.
Ngunit sa kabila ng lahat, hanggang ngayon hindi pa rin napagbibigyan ang matagal na nilang karaingan, ang dagdag sahod. Hindi naman lingid sa kalaman ni Briones ang maliit na sahod ng mga guro maging ang ginagawang pag-abono ng mga guro kaya, sana naman ay ibigay na ang matagal nang panawagan ng mga guro lalo na sa panahon ngayon. Kailangan na kailangan ito ng mga guro.
Wala tayong nakikita kadahilanan para hindi pagbigyan ang matagal nang panawagan ng mga guro sa pamahalaan. Kung nagawa ngang doblehin ang suweldo para sa mga pulis at militar, walang dahilan para hindi gawin ito sa mga guro.
Armas man ng mga guro ay blackboard, tsok, libro at higit sa lahat ay mabigyan ng sapat na edukasyon ang mga mag-aaral, walang dahilan para magbingi-bingihan ang pamahalaan. Ibigay na ang dagdag suweldo ng mga guro na matagal na rin lang ipinangako ng pamahalaan pero hanggang ngayon ay hanggang pangako pa lamang.
Pero sa kabila, atin sinasaluduhan ang mga guro dahil nariyan pa rin sila – nananatiling nakatayo para sa mga mag-aaral.
Kaya napapanahon na ang dagdag sahod sa mga guro, huwag nang hintayin pang mangibang bansa ang mga ito katulad ng nakararami natin nurse, doctor at iba pa.