Advertisers
NAGBABALA si Manila Mayor Isko Moreno sa lahat ng residente ng lungsod kaugnay sa posibleng “second wave” ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) infections sa kabisera ng bansa, kasunod na rin ng pagdami ng mga naitatalang kaso ng impeksiyon sa ibang panig ng mundo, partikular na ang Estados Unidos at Europa.
Ayon kay Moreno, dapat na patuloy na maging mapagmasid ang publiko sa lahat ng pagkakataon upang hindi mahawahan ng virus, sa kabila ng pahayag ng mga eksperto at mga analysts na bumababa na ang bilang ng mga indibidwal na nahahawahan ng virus sa Pilipinas.
Tinukoy pa ni Moreno ang ulat mula sa international news agencies na kinukumpirma ang second wave ng COVID-19 cases sa Estados Unidos at Europa.
“Hindi natin minamaliit ang sitwasyon sa Europa, ngunit ginagamit natin yun bilang tanda o paalala na nandiyan pa ang panganib,” ayon kay Moreno.
“Salamat sa Diyos, ‘wag sana mangyari ‘yung tulad sa mga nabalita sa international news agencies on what is happening in Europe. Salamat at hindi nangyayari sa atin yun pero hindi puwedeng ikaila na puwede ulit dumami ang impeksyon kapag tayo naging iresponsable, pag tayo’y nag-relax, kaya dapat maging responsable tayong mga Batang Maynila,” sabi nito.
Binigyang-diin din ng alkalde ang kahalagahan ng inclusive approach ng lokal na pamahalaan sa paglaban sa COVID-19 pandemic, kabilang na ang mass testing operations nito para sa mga residente at hindi residente ng Maynila.
“Kailangan natin alisin ang mga boundaries, kailangan alisin natin sa atin ang pagiging makasarili. The only way to defeat this pandemic is simply if we as Manileños and Filipinos work hand in hand in unison responsibly to go and fight this pandemic,” sabi ng alkalde.
“Akapin natin ang mga hindi taga-Lungsod ng Maynila na dumadako rito upang iraos din nila ang kani-kanilang pamilya sa paghahanapbuhay. We must not look at ourselves as a city alone. We are a city in a country, in the world which is facing so many challenges with regard to this pandemic,” dagdag pa nito. (Andi Garcia)