Advertisers
NATIMBOG ng pinagsanib na pwersa ng PNP at AFP ang isang senior leader, logistic officer at dalawa pang miyembro ng Abu Sayyaf Group sa magkahiwalay na operasyon sa Zamboanga City.
Ayon kay PNP Chief, Gen. Camilo Cascolan, ang pagkakaaresto sa mga terorista ay bunga ng pinaigting na ope-rasyon ng PNP anti-terror unit.
Sinabi ni Cascolan na unang naaresto nitong Biyernes, October 9, ng pinagsanib na pwersa ng Police Regional Office 9, Special Action Force at CIDG si Kadija Sadji, ang logistic officer at malapit kay ASG leader Mundi Sawadjaan.
Maliban dito, nahuli rin si Abdulman Sarrapudin at Jailani Al-Rafee Sakandal.
Active member si Sakandal ng Philippine Coast Guard na may ranggong Apprentice Seaman.
Iniulat din ni Cascolan na naaresto nitong Linggo ng mga pulis katuwang ang Western Mindanao Command sa Zamboanga City si Hassan Mohammad alyas USI na senior leader ng ASG na sangkot sa kasong kidnap for ransom.
Si Hassan ang sinasabing malapit kay Radulan Sahiron at kasamang nagtatago ni Sa-wadjaan. (Mark Obleada)