Katas ng ‘Probinsyano’… Yassi nagpapatayo na ng bahay; Sandara naispatan ng fans sa Pinoy market sa Korea
Advertisers
Ni GERRRY OCAMPO
SA online media presscon ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) last Friday ay pormal nang inihayag ni FDCP Chairwoman Liza Dino-Seguerra ang Pista ng Pelikulang Pilipino: Sama All na magsisimula sa October 31 hanggang November 16.
Mapapanood ang mga magaganda at nailabas na rin sa ibang bansa ang 57 full length films at 78 short films sa FDCP Channel.
Sa Selection section nila ay mapapanood ang 10 pelikula na hindi pa nailalabas sa commercial run. Kasama na rito ang pelikulang obra ng National Artist for Film na si Kidlat Tahimik na Lakaran ni Kabunyan. Classic film ni Mike de Leon na Batch 81 at ang restored version na Brutal ni Direk Marilou Diaz-Abaya.
Mapapanood din ang documentary film na dinirek ni Joanna Bowers, ang Itoshi, No Irene ni Keisuke Yoshida na nagkaroon ng International premiere sa nakaraang 2018 Busan International Film Festival.
Bago simulan ang online presscon ay nanawagan si FDCP Chair Liza sa mga local producer na magkaisa para hindi tuluyang bumagsak ang Philippine Cinema.
Hindi naitago ni Chairwoman Liza ang pangamba na puro foreign films na lang ang tangkilikin ng mga Pinoy at maitsapwera ang pelikulang Pinoy.
***
NAGPAPAGAWA na rin ng sariling bahay si Yassi Pressman at ito nga ay kanyang ipinost sa Instagram. Makikita siyang pumunta sa construction side na may caption na, “Under construction.”
Hindi lang nasabi ni Yassi ang location ng ipinatatayong bahay pero ang sigurado ay isang malaking tahanan ito para sa buong pamilya.
Nanghihinayang lang ang mga fans ni Yassi na hindi na nakita ng ama ng actress ang kanyang bahay dahil yumao na ito kamakailan.
Sure rin ang followers ni Yassi na super proud ang ama nito dahil sa achievements na natamo nito sa pag-aartista.
Nagbunga rin ang hard work ni Yassi dahil isa-isa nang natutupad ang kanyang pangarap sa buhay.
Salamat sa pagkakasama niya sa longest series sa telebisyon, Ang Probinsiyano na patuloy pa ring napapanood sa Kapamilya channel.
Teka, sino na ba ngayon ang nagpapatibok ng puso ni Yassi?
Ang sweetness nila ni Coco Martin ay sa Probinsyano lang bilang mag-asawa. Off camera ay may kanya-kanya na silang pinagtutuunan ng pansin at pagmamahal.
***
KAHIT na siguro anong mangyari ay hindi na makalilimutan ni Sandara Park ang Pilipinas at ang mga pagkaing Pinoy. Katunayan ay nakita si Sandara na namimili sa isang Filipino market sa South Korea.
Kahit na naka-mask at nakasumbrero ang actress ay hindi pa rin siya nakaligtas sa mga mata ng Pinoy doon.
Nagsilapit sa kanya ang mga ito para magpakuha ng larawan. Sa dami ay halos hindi na nakakain si Sandara para mapabigyan lang ang kanyang Pinoy fans na gustong makipag-selfie sa kanya.
Hindi pa rin nagbabago si Sandara, very humble at accommodating pa rin.
Sa mga gustong makapanood ng pagpunta ni Sandara sa Pinoy market, magpunta lang sa kanyang YouTube channel na DARA TV. Ipinost din ni Sandara ang mga larawan niya sa kanyang Instagram account.