Advertisers

Advertisers

PASAN NI MANG JUAN

0 9,391

Advertisers

Sinimulan na ang pag-aayos ng istraktura ng pamahalaan sa pagbubuklod ng dalawang malaking Financial Institutions na LandBank of the Philippines at Development Bank of the Philippines. Ang layon ng pag-iisa’y upang makaipon ang pamahalaan ng bilyon-bilyong piso na ibig gamitin sa mga binabalak na programa ng kasalukuyang pamahalaan. Nasa konsepto pa lang ang usapin ngunit dama na ng mga kawani ng pamahalaan na umpisa na ng kalbaryo. Dahil ‘di magtatagal magsisimula ang sibakan sa trabaho ng mga rank-and-file sa pamahalaan. Hindi kakikitaan ng magandang maidudulot ang reengineering o right sizing sa hanay ng mga taong gobyerno higit sa maliliit na kawani ng dahil sa mawawalan ng hanapbuhay na nagpapabigat sa kanilang kahirapan. Sa punto na matuloy ang binabangit na merger ilang libong tao ang mawawalan ng hanapbuhay kahit sabihing may magandang pakete itong ihahain. At ito marahil ang gagamitin pain upang kagatin ang programa ng pagtitipid. Kayong mga nasa pwesto panay kay Mang Juan ang tama ng pagtitipid ng pamahalaan.

Nakababahala ang balak na ito ng pamahalaan gayung maging ang datos na nagsasabi na patuloy ang pagtaas ng presyo ng bilihi’y galing sa kanila. At inihahanda ang palakol na ibig ibagsak sa mga kawani ng pamahalaan na umaasa sa regular na sahod na tinatanggap. Masakit na isipin na ang tagal sa serbisyong ibinigay’ susuklian ng marahas na baklasan sa ngalan ng pagtitipid sa pamahalaan. Pagtitipid, bakit hindi ang alisan ang malalaking allowances ang mga bossing maging ang mga board of directors sa pamahalaan ng mabawasan ang gastusin. Nariyan na kung may pagpupulong na ginagawa, kailangang gawin sa malalaking hotel maging sa ibang bansa upang makahanap ng magagandang mga mungkahi kuno. At sa pagbalik nariyan ang mga pasalubong o pabaon na gastos o sagot ng mga korporasyon. At alisin sa isip na ‘di pabigat ang mga rank-and-file na kawani, at hindi ang magandang excuse para sa pagtitipid. No Joke ito, P….I niyo!

Sa maraming pagkakataon kapag pinag-uusapan ang pagtitipid sa pamahalaan iisa ang pinagtutuunan, ang bawasan ang kawani. Ito ang laging laman ng kaisipan ng mga bossing ngunit ‘di nakikita ang kalabisan sa itaas at sa kanilang hanay. Laging ang mga kawani ang pumapasan sa lahat ng uri ng pagbabawas gastos. Samantalang patuloy ang masarap na buhay ng mga amo na hatid sundo sa bahay at libre pa ang kain. Batid ba ni Mang Juan na maging ang maraming gastusin ng mga bossing sa gobyerno naka charge sa Extra Miscellaneous Expense. At galit pag nasilip dahil baka bawasan o alisin. Paano ang grocery ni Misis 1,2 at 3. At ang itutulak na programa ng pagtitipid, bawasan ang kawaning tulad ni Mang Juan. Batid ninyo kung bakit, dahil marami na pare-pareho ang ginagawa, naman,namannaman…



Mahigpit na tinututulan ang pagbabawas ng kawani na ‘di dapat alisin sa ngalan ng pagtitipid. Sa pagtitipid na gagawin, alisin ang mga perks ng mga bossing at babaan ang sahod na siyang layon ng serbisyong publiko. Hindi Negosyo ang pinapasukan sa pamahalaan higit ito’y serbisyo na ikatataba ng puso at ikaluluwalhati ng kaluluwa. Ang makabuhay ng pamilya’t mag aral ang anak ay tila sapat na upang masabing serbisyong totoo ang habol. Sa totoo lang, maraming nasa mataas na posisyon sa pamahalaan ang nagbubuhay hari na nakukuha ang lahat ng ibig. Lumang usapan na makikita ang mga bossing sa mga malalamig na lugar na may hawak na beer at nakapulupot na tsitsing. Kung ‘di ito gastos ng gobyerno malamang kasama dito ang may transaksyon sa mga opisina ng mga bossing at alam na regla.

Sa totoo lang, nararapat na gawin ang pagtitipid ngunit mali na laging ang mga maliliit na kawani ang sumasalo sa mga programa ng pagtitipid. Napag-aralan ba ng husto at bakit sa lahat ng pagtitipid ng pamahalaan, ang mga tulad ni Mang Juan na laging sumasagot. Batid ba ng mga nag-aaral sa programang ito na kung ‘di nakapasok si Mang Juan sa trabaho, ito’y dahil sa kawalan ng pamasahe. At ito ang nagsasakripisyo, pag-isipan naman Ninyo. Sa totoo lang, nasanay ang mga mautak na mga technocrat na ang pagbabawas ng tauhan ang tamang paraan ng pagtitipid. Walang maririnig o bangit na kailangan bawasan ang nasa itaas. Ito ba’y dahil sa iilan ang bilang ngunit isang damukal ang kinakamal na salapi, na ‘di pa pinag-uusapan ang mga padulas.

Sa napipintong merger ng mga korporasyon ng pamahalaan, mainam na pag-isipan kung paano mapapalakas ang katayuan ng trabaho ng mga kawani higit yung mga nasa baba na nagpapa-aral ng mga anak na ngayon palang nagsisilakihan. Ang masiguro na magpapatuloy sa pag-aaral ang mga anak nito’y tunay na malaking bagay para sa kinabukasan ‘di lang sa pamahalaan sa halip ng lipunan. Mabigat at magpapatuloy ang hirap sa buhay ng mamamayan kung ang mga tulad ni Mang Juan ang siyang isasakripisyo sa ngalan ng pagtitipid. At sa huli, makikita na ang naganap na pagtitipid ng pamahalaan ay mapupunta sa ayuda na tatangapin ng mga kawaning nawalan ng hanapbuhay. Pasalamat kung matatangap ang ayuda, eh kung sa bulsa ng mga kawatan na kahit nakulong na’y nariyan at nahalal pa sa kani-kanilang bayan. Patay kang mama ka!

Sa puntong ito, hindi sapat ang nababangit ng pamahalaan na ang matitipid na halaga ang gagamitin sa mga nakahanay na mga planong ipatutupad. Na sa totoo lang, walang katiyakan lalo’t ‘di nagbabayad ng buwis ang dapat magbayad. Saan kukuha ng pondo, sa pangungutang na pasanin ni Mang Juan. Hindi sapat na sabihin na paggagamitan ng perang matitipid ang nagpapagalaw ng ekonomiya ng bansa gayung sandamukal ang mga ginawang opisyal-pasyal na sangkatutak ang kasama. Hindi biro ang mga gastos na pasanin ni Mang Juan sa araw-araw na pamumuhay. At narito na aalisan ng hanapbuhay sa ngalan ng balakin na pagtulong sa mga nasa laylayan. Baka nais silipin o alisin ang mga intelligence fund ng mga lider ng pamahalaan na’di kailangan nito. O’ baka takot na galawin at baka sapakin at maalis sa pwestong tangan.

Sa totoo pa rin, ipinagmamalaki ng pamahalaang ito ang nakuhang boto sa nakaraang halalan at ito ang tinutuntungan sa mga balakin na walang katuwiran. Malinaw na nalilo ang maraming bobotante na sumandal sa pangakong kaunlaran na mararanasan kung ito ang uri ng liderato ng bansa. Sa pagkakalilo, nariyan na una ang kagalingan pansarili at ‘di ang bayan gayung galing sa maliliit ang tronong tangan. Walang kinang ang mga balakin lalo’t nasisilaw ang kagalingan ng mga tao sa laylayan. Ano ang silbi ng balakin kung ito’y pasanin sa kinabukasan. Iharap sa tao ang tunay na balakin ng makita na at masabing tunay na para kay Mang Juan ang balakin sa kinabukasan. Ang kagandahan ng balakin ay ang pag-aalwan sa buhay ni Mang Juan, Aling Marya at Aling Nene na siyang pumapasan sa mga nais ng pamahalaan.



Maraming Salamat po!!!