Advertisers
Noong Linggo nakabalik na ang PBA sa kanilang sariling bubble. Nanalo mga paboritong TNT at Ginebra. Kahapon natapos na ang Disney restart ng NBA. Nagkampeon ang llamadong Lakers. Pinatumba nila ang Heat, 4-2.
Nagsimula at nagwakas ang pinakasikat na liga sa buong mundo sa Orlando adventure na naiwasan ang COVID-19. Ni isa walang nag-test positive sa China veerus sa kanilang mahigpit na health protocol. Bukas uuwi na ang mga kampeon sa Los Angeles, ang mga runner-up sa Miami.
Nakopo ng LAL ang kanilang ika-17 na korona. Tie sila ng karibal na Boston sa paramihan ng kampeonato. Nakuha naman ni LeBron James ang kanyang ikaapat na singsing at ikaapat ding Finals MVP.
Unang tagumpay bilang coach ni Frank Vogel, gayundin bilang player ni Anthony Davis. Sulit na sulit ang trade sa New Orleans. Oo kahit nawala ang core ng young team ng Lakers na kinabibilangan nina Lonzo Ball at Brandon Ingram pati ilang draft pick.
Ikatlo ni Danny Green sa iba’t-ibang prangkisa. Yung una niyang dalawa sa San Antonio at Toronto. Pareho sila ni King James sa aspetong ito. Si LBJ may ring na rin sa Miami at Cleveland. Si Green back-to-back pa pala. Noong isang taon lang kasi ang Raptors. Si Dion Waiters kahit di nakalaro vs Heat sa serye ay mapalad na napalipat sa LAL ngayon season kahit naka-line-up sa Miami noong Oktubre 2019.
Sa wakas naka-isa na si Dwight Howard na akalain mong naka-shoot pa ng tres sa closing seconds ng Game 6. Kakapasok niya nga lang noon. Paano matatalo ang LAL? Mahusay na, suwerte pa.
Pero walang dapat ikahiya ang Miami. Binigay nila lahat ng makakaya. Minalas lang sila na nagkaroon ng injury mga bida nila na sina Jimmy Butler, Goran Dragic at Bam Abedayo. Nakita naman natin pagsulpot ng mga bagong superstar sa katauhan nina Duncan Robinson at Tyler Herro.
Gaya ng inaasahan ay ginaya ng 45 na taon na lokal na torneo ang bubble ng kanilang mga big bro sa Estados Unidos. Ngunit wala ang social justice dimension. Maingat masyado mga may-ari dito dahil takot silang maapektuhan ang kanilang mga negosyo.
Diyan naman tayo hanga sa mga team owner at mga cager ng NBA. Sigurado hindi magkakaroon ng courtesy call sina James at ang buong koponan sa White House habang si Donald Trump pa ang star-boarder doon. Marahil kung magwagi pa si Joe Biden sa Nobyembre. Hehe.
***
Tila lalong gumulo ang kwento ng UST basketball team. Parang babalik pa si Coach Aldin Ayo matapos na naendorso ng unibersidad sa UAAP Board ang apela ng dating konsehal ng Sorsogon. Naitalaga rin ng mga Dominico mga dating assistant ni Ayo bilang mga interim coach. Si Jino Manansala sa Growling Tigers at si McJour Luib sa Tiger Cubs naman.
Lumabas ngayon naniwala ang USTe sa PNP report at naisantabi na kanilang sariling fact-finding probe. Ayon sa isang insider ay hindi naman. Nasobrahan daw ang parusa. Tahimik na sina CJ Cansino sa mga kagila-gilalas na ulat ng mga lespu. Tingnan natin.