Advertisers
LINGID sa madla, ipinatawag ni Rodrigo Duterte ang mga mambabatas na sumusuporta kay Ispiker Alan Peter Cayetano. Hinimok niya na bumaligtad sila. Kinausap ang mga mambabatas na kabilang sa Nacionalista Party, National Unity Party, at ilan pang maliit na lapiang pulitikal. Mukhang siniguro na makukuha ng kanyang koalisyon ang sapat na bilang upang iluklok si Kin. Lord Allan Velasco ng Marinduque bilang ispiker na kapalit ni Cayetano.
Hindi natapos sa lambutsingan ang usapan. Tulad na nakagawian ng tila nabangag na pangulo, tinakot niya ang mga kausap. Nagbabala siya na alisin sa puwesto ang mga kasama ng lapian na sumusuporta kay Cayetano. Isa si Mark Villar, kalihim ng DPWH, sa binanggit na tatanggalin kapag patuloy ng sinuway ng mga pro-Cayetano ang kanyang gusto.
Mga kasapi ng Nacionalista Party sina Cayetano at Villar. Kasama sa NP sina Cynthia at Manny Villar. Dahil kinabahan sa babala ni Duterte, hindi kataka-takang bitawan ng NP si Cayetano. Isang tanong kung bibitiw din si Cayetano sa NP at magtatayo ng sariling lapian. Gayunpaman, mukhang walang hadlang sa kanilang pangunahing agenda na tanggalin sa poder si Cayetano.
Isang katanungan kung sasama sa oposisyon si Cayetano. Hindi pa niya sinasagot ang tanong na ito. Ngunit tatanggapin ba ng oposisyon si Cayetano na may masamang reputasyon pagdating sa pakikiugnayan sa mga kasamang pulitiko? Sino ang magtitiwala sa kanya?
***
ISA si Kin. Bambol Tolentino ng Cavite sa mga kapanalig ni Cayetano sa pulitika. Inilagay siya ni Cayetano bilang chairman ng makapangyarihang Committee on Accounts na nangangasiwa sa mga gastusin sa pangangailangan ng Kamara de Representante. Pinangunahan ni Bambol ang pagpapagawa ng mga dagdag na silid para sa 18 deputy speaker.
Dahil magkaalyado, mukhang hindi sinasaling ni Bambol si Alan pagdating sa kontrobersiya sa napakalaking gastos sa 2019 Southeast Asian Games (SEAG) na idinaos sa Filipinas. Umabot sa halos P8 bilyon ang gastos sa SEAG at napabalitang umabot sa P1.4 bilyon ang ibinigay ng Philippine Sports Commission bilang tulong sa SEAG.
Naging chair si Cayetano ng organizing committee na nangasiwa sa SEAG. Itinatag ni Cayetano at mga piling kasama ang Philippine Southeast Games Organizing Committee, o PHISGOC, upang mamahala sa operasyon ng SEAG. Matinding batikos ang inabot ng PHISGOC dahil sa bintang na overpricing at iba pang anomalya. Naaalala pa ba ninyo ang latang kaldero na nagkakahalaga ng P50 milyon na naging simbolo ng SEAG?
Nahalal na presidente ng Philippine Olympic Committee (POC) si Bambol Tolentino noong 2019 upang gampanan ang nalalabing isang taon sa termino ni Victorico Vargas na nagbitiw sa kanyang puwesto. May Tripartite Agreement ang Philippine Sports Commission (PSC), POC, at PHISGOC hinggil sa pagdaraos ng SEAG sa bansa.
Kasama sa kasunduan ang atas sa bawat isa sa PSC, POC, at PHISGOC. Nilinaw ng Tripartite Agreement ang kanilang relasyon at pangunahing tungkulin sa pagdaraos ng SEAG sa bansa. Kasama sa kasunduan ang pangangalaga sa salapi ng sambayanan na ibinigay ng gobyerno bilang kontribusyon sa SEAG.
Atas ng kasunduan ang pagsumite ng financial statement kung saan ipapaliwanag ng PHISGOC kung paano ginastos ang salaping galing sa gobyerno. Malinaw sa kasunduan na isinasailalim ang PHISGOC sa mga alituntunin ng Commission on Audit (CoA) pagdating sa audit ng gastos sa SEAG. Pinirmahan ni William Ramirez, chair ng PSC, Bambol Tolentino, presidente ng POC, at Ramon Suzara, presidente ng PHISGOC at tao ni Cayetano, ang Tripartite Agreement.
Nakatakdang isumite ng PHISGOC ang financial statement noong ika-9 ng Pebrero, ngunit inabot ng pandemya kaya tuluyang nabimbin ng walong buwan ang pagsusumite. Nagkaroon ng emergency general assembly ang POC noong ika-29 ng Setyembre at nagpasya ang POC na puwersahin si Cayetano na isumite ang financial statement sa ika-10 ng Oktubre.
Hindi pa isinumite ng PHISGOC ang financial statement. Wala rin paliwanag kung bakit hindi naisumite. Wala rin sinabi kung kailan isusumite. Hindi ipinaliwanag kung may balak pa silang isumite ang financial statement.
Hindi nakialam si Bambol Tolentino sa pulong ng POC. Hindi siya nakibahagi. Malaki ang hinala ng kanyang mga kasama sa POC na pinoproteksiyunan niya si Cayetano na kanyang kabagang sa pulitika. O sadyang pinupulitika ni Bambol ang POC. May mga nagtatanong kung bibitiwan ni Bambol si Cayetano.
***
SA mga netizen na nagtataka kung bakit may special session ang Kongreso ngayon, pakibasa lamang ang Saligang Batas. Huwag naman sana maging tamad sa pagbabasa upang malaman kung ano ang totoo.
Ayon sa Article VI at Section 15. The Congress shall convene once every year on the fourth Monday of July for its regular session, unless a different date is fixed by law, and shall continue to be in session for such number of days as it may determine until thirty days before the opening of its next regular session, exclusive of Saturdays, Sundays, and legal holidays. The President may call a special session at any time.
***
DUMIKIT sila kay Bise Presidente Leni Robredo, Senadora Leila de Lima, at iba pang lider pulitikal na nagtataguyod ng demokrasya sa bansa. Tinawag ang sarili na mga mandirigma ng demokrasya. Ngunit pawang lumaki ang mga ulo at ang tingin sa sarili ay sila ang may monopolyo ng pakikipagtunggali sa mga kaaway ng demokrasya.
Wala silang ginawa upang ipaglaban ang demokrasya kundi ang mangolekta ng kontribusyon at donasyon sa mga nakikisimpatiya sa simulain ng demokrasya. Ikot dito, ikot doon ang kanilang ginagawa upang manghingi ng donasyon. Noong una, pinaniwalaan sila, ngunit sa dakong huli, marami ang napagod at tumangging magbigay. Hindi nila alam ang “donors’ fatigue.”
Pawang abusada ang mga nagkukunwari at nagpapanggap na mandirigma ng demokrasya. Kinamumuhian sila ng mga kasama. Kinasusuklaman ang kanilang masamang ugali lalo na ang nakawi-lihang panghihingi ng donasyon. Mga “babaeng toxic” ang tawag sa kanila. Mayroon mga lalaki ang sumasama sa kanila, ngunit sila ang mga nadomina. Mistulang mga Andres.
Maiging iwasan sila. Huwag magpailalim sa kanilang mga kamandag. Huwag na huwag silang pagtitiwalaan pagdating sa pera. Huwag magbibigay. Kung magbibigay, hingan sila ng paliwanag at katibayan kung saan napunta ang pera. Tandaan: Iwasan sila.