Advertisers

Advertisers

NTC Commissioners mga mukhang kuhol!

0 938

Advertisers

BAD news, plano raw ng Department of Labor and Employment (DOLE) na isuspindi ang pagbabayad ng 13th month pay na ayon sa Presidential Decree 851 – na inisyu ni dating Presidente Ferdinand E. Marcos – mandato, obligado at walang exemption ang mga employer na umiwas na magbigay ng 13th month pay, at dapat matanggap ang umentong 13th month pay (katumbas ng 1/12 month) bago ang Disyembre 24 bawat taon.

Sabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III, marami raw micro-small industries ay nagsara, mapipilitang magsara gawa ng masamang epekto ng COVID-19 pandemic.

“In distress” daw ang mga kompanyang ito, kaya “maybe” ay payagan sila na ‘wag munang magbayad ng 13th month pay?



Lalong kawawa ang ordinaryong obrero na matagal nang “stress na stress” at sobrang “in distress” na marami sa kanila, biglang nawalan ng trabaho, o nabawasan ang income dahil nagbawas ng produksiyon ang pinapasukang kompanya.

Paliwanag ni Bello, magmimiting sila ng mga employer upang maglabas ng advisory tungkol sa plano.

Paano nga kung talagang bagsak at bangkarote ang isang kompanya – oobligahin pa ba siya na magbayad ng 13th month pay?

Ano ang dapat na maging solusyon dito ng gobyerno?

Teka paano ang mga farmers, mga karaniwang manggagawa na iregular ang trabaho, paano nila pasasayahin ang Pasko ng kanilang mga pamilya?



***

Sa August 2020 report, ang internet speed natin e 16.44 mbps sa mobile phone, at 25.434 mbps sa broadband.

Sa 139 bansa, nasa 119th tayo sa may “pinakamabilis” na internet speed; at 106th spot tayo sa 174 na bansa sa bilis ng reception ng broadband.

Sa Asia, ayon sa report, number 1 ang Singapore sa 218.07 speed ng internet connectivity, at nasa 113.01 speed ang sa South Korea.

Imbes na magalit sa mabagal na serbisyo ng PLDT-Smart at Globe, ano ang sabi ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Sec. Gringo Honasan?

Okay na raw iyon, anak ng jueteng na hindi mapahinto ni Philippine National Police chief Gen. Camilo “Pikoy” Cascolan!

Kumbaga sa karera, paano mananalo ang usad ng kuhol sa usad ng pagong?

Imagine, 218.07 speed sa Singapore; 113.01 sa South Korea laban sa ating 25.34 speed sa broadband?

Naiiyak ako sa malupit na kapalarang ito ng Filipino, pero si Sec. Gringo, nasisiyahan na sa ganitong serbisyo ng Globe at Smart?

***

Sinusuportahan natin ang gusto ni Sen. Ping Lacson na dagdagan ang P13.4 billion na hinihinging badyet ng DICT.

Isipin, makatitipid ng bilyong piso ang national at local government kung may sarili tayong national broadband network (NBN), na ang pinakasulok sa bansa, pwedeng makapag-internet!

Ayon sa datos, mahigit sa P720 million kada taon ang binabayaran ng ating national government agency and offices sa paggamit ng serbisyong palpak ng PLDT-Smart at Globe?

Kung may NBN tayo, 463 ahensiya ng gobyerno ang makakabitan ng mahusay na connectivity sa itatayong govnet.

Isipin ang malakas na pagyabong ng negosyo, komersiyo, siyensiya, edukasyon at iba pang uri ng transaksiyon at komunikasyon ang maidudulot kung may NBN tayo?

Hindi na aakyat sa ibabaw ng bubong si Titser; hindi na magbubuwis-buhay si Sir para makasagap at magdala ng module sa mga estudyante nila sa malalayong lugar ng bansa.

Ang bagong labanan ngayon ay mabilis na internet speed, modernong telekomunikasyon at kung galaw-kuhol tayo, sa kangkungan tayo pupulutin.

Nasa Mars na ang ibang bansa, nasa bundok pa rin tayo ng Tralala sa kunsumisyon sa serbisyong bulok ng PLDT-Smart at Globe.

Sa Disyembre ang banta ni Pres. Duterte sa Globe at PLDT-Smart na pag-usad pagong pa rin ang serbisyong internet, gagawa siya ng aksiyon.

Pero ang unang dapat na kastiguhin ni Tatay Digong ay ang National Telecommunications Commission (NTC).

Kundi natalian sa leeg ang NTC kaya hindi mautusan ang dalawang giant telco na pabilisin ang internet connectivity, sandamukal silang mukhang kuhol!

***

Para sa inyong suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.