Advertisers
Mula nang maupong Pangulo si Presidente Rodrigo Duterte dahil sa kanyang pangakong lalabanan ang iligal na droga at korupsiyon, hindi na siya tinantanan ng mga kritiko sa kanyang kampanya at sinisisi pa sa mga pagkamatay ng mga sangkot, lalo na sa iligal na droga.
Ang mga nagpapakilalang nagtataguyod ng karapatang pantao o human rights sa bansa at maging sa buong mundo ay kinundina ang mga pagkamatay na konektado sa laban sa iligal na droga dito sa atin.
Sa kabila nito, matapos ang halos limang taon ng panunungkulan, ginulat ang lahat ng isang survey na gawa ng Pulse Asia na si Pangulong Duterte ay pinagkakatiwalaan pa rin ng nakararaming Filipino, sa katunayan 91 percent ng mga Pinoy ay tiwala sa husay ni Digong ang naisaad ng survey.
Sa ganang akin, sa wakas ay nalaman ng lahat mapa-lokal at international man, na ang mga programang ipinatutupad ni Pangulong Duterte partikular na sa iligal na droga ay nararapat lamang at tunay na napapakinabangan ng buong bayan dahil hindi man nawawala ang iligal na droga, nabawasan ang mga Filipinong nalululong dito.
Natauhan at yumuko ang lahat sa resulta ng nasabing survey, na nagpatunay na matagal na tayong niloloko ng mga kaaway ng demokrasya sa bansa, na pilit binabaluktot ang ginagawang kampanya ng Pangulo at sinasabing labag ito sa karapatang pantao. Bigo ang lahat ng kumakalaban sa demokrasyang pinaiiral, ganung sila mismo ang lumalabag ng karapatang pantao ng ating mga kababayang namumuhay at naghihirap sa mga kanayunan.
Kaya naman, maging ang United Nations Human Rights Council na kasamang nalinlang ng iilan sa ating mga kababayan na nagtutulak sa isyu ng karapatang pangtao sa kampanya ng Pangulong Duterte laban sa iligal na droga, ay pumihit na rin sa desisyon nitong kailangang imbestigahan ang mga pagkamatay sa larangan ng laban sa iligal na droga sa bansa.
Mabigat man para kay High Commissioner Michelle Bachelet ng UN Human Rights Council na sabihing kailangan talagang tingnan ang mga kaso ng mga namatay sa laban sa iligal na droga, nag-alay na lang ito ng tulong sa pamamagitan ng “technical assistance” at “capacity building.”
Ano ang ibig sabihin ng mga ito? Imbes mag-iimbestiga ang UN sa mga patayang naganap habang lumalaban sa iligal na droga ang Administrasyong Duterte kasama ang pambansang kapulisan, isang tulong-tulong na pagrerebisa sa mga naganap ang nirekumenda nito.
Nangangahulugan na magbibigay ng tulong ang UN ng mga dapat gawin, teknikal man at makataong pamamaraan upang maiwasan ang mga naunang patayan dahil sa kampanya sa iligal na droga.
Nganga at napayuko na lang din ang mga kumakalaban pa rin sa demokrasya at sa Administrasyong Duterte. Ngunit pumapalag pa, at naghayag sa UN ng kanilang pagkadismaya sa naging desisyon nito hinggil sa mga patayang naganap dahil sa giyera sa iligal na droga.
Nagkukunwaring mga anyong tupa, yun pala’y mga lobo naman, na mismong sumasagpang sa mga mahihirap nating kababayan na ayaw ng kanilang mga maling adhikain gaya nang pairalin ang komunismo sa bansa.
‘Di ba silang mga komunistang-terorista ang tunay na gumugulo ng bansa gaya ng mapanganib na iligal na droga. Silang nagsisisigaw ng kalayaan at karapatan, samantalang wala namang panu-nupil na ginagawa ang pamahalaan sa ilalim ni Pangulong Duterte.
Magsitigil na nga kayo! Noon pa man ay kilala na namin kayo. At di kami susuko na ilantad ang inyong tunay na motibo – ang nakawin ang kalayaan ng Filipino.