Advertisers

Advertisers

PBBM PATULOY NA PINAGKAKATIWALAAN NG NAKARARAMING PINOY – OCTA RESEARCH

0 4

Advertisers

SA kabila ng ilang hamon sa larangan ng pulitika, muling pinatunayan ng sambayanang Pilipino ang kanilang matatag na tiwala at pagsuporta kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., batay sa pinakahuling resulta ng Tugon ng Masa (TNM) survey ng OCTA Research ngayong Abril 2025.

Isinagawa mula Abril 2 hanggang 5, 2025, ipinakita ng survey na anim sa bawat sampung Pilipino (60%) ang nagpahayag ng matatag na tiwala sa Pangulo, habang 59% ang nagpahayag ng kasiyahan sa kanyang pamumuno—isang patunay ng patuloy na malawakang suporta ng taumbayan sa kabila ng mga pagsubok sa ilang piling rehiyon.

Bagaman may bahagyang pagbaba ng 5 puntos sa trust rating ng Pangulo mula sa nakaraang quarter, malinaw na ipinakikita ng masusing pagsusuri ng datos na ang pagbaba ay lokalisado sa Mindanao, isang rehiyon kungsaan nananatili ang malalim na impluwensya ng mga Duterte. Sa kabuuan, nananatiling napakataas ang tiwala kay Pangulong Marcos sa karamihan ng mga rehiyon, kabilang ang makasaysayang 92% sa Ilocos Region, 87% sa Cordillera Administrative Region, at 83% sa Cagayan Valley.



Partikular na kapansin-pansin na walang naitalang kawalan ng tiwala sa Pangulo sa buong Cordillera Administrative Region—isang matibay na patunay ng walang kapantay na suporta mula sa mga mamamayan.

Ang bahagyang pagbaba sa Mindanao ay madaling maipapaliwanag sa konteksto ng tradisyonal na pulitika at re-alignment sa rehiyon. Sa kabila nito, nananatiling matatag ang majority trust at approval ratings ng Pangulo sa Luzon, Visayas at iba pang bahagi ng Mindanao, kungsaan mababa rin ang antas ng hindi pagkakasiya. Ang makabuluhang dissatisfaction ay naitala lamang sa Davao, higit pang pinatutunayan na lokal at hindi pambansa ang naturang pagbaba.

Patuloy ding kinikilala ang Pangulo bilang pinakapinagkakatiwalaang lider pambansa, na may mas mataas na trust at performance ratings kumpara sa iba pang matataas na opisyal ng pamahalaan, kabilang ang Senate President at House Speaker.

Mahalagang bigyang-diin na ang pinakamalakas na suporta sa Pangulo ay nagmumula sa pinakamalawak na sektor ng lipunan—ang Class E—kungsaan nakapagtala pa siya ng pagtaas sa trust at satisfaction ratings. Ipinapakita nito ang lalim ng kanyang koneksyon sa karaniwang mamamayan, na siyang tunay na haligi ng Republika.

Ang katatagan na ito sa gitna ng pulitikal na agos ay patunay ng mahinahong pamumuno ni Pangulong Marcos, ng kanyang mahusay na pagpapatakbo sa ekonomiya, at ng matagumpay na pagpapatupad ng mga proyektong nakatuon sa pambansang kaunlaran—kabilang ang patuloy na paglago ng ekonomiya, pagtaas ng prestihiyo ng bansa sa pandaigdigang entablado, at mas malaking pamumuhunan sa imprastraktura, agrikultura, at teknolohiya.



Sa kabuuan, pinagtitibay ng resulta ng OCTA Research na si Pangulong Marcos Jr. ang nananatiling pangunahing lider na pinagkakatiwalaan ng nakararaming Pilipino.