Advertisers

Advertisers

‘No vote’ sa mga kandidatong pro-China

0 5

Advertisers

NAKAKAALARMA at nakakapangamba ang tahasang panghihimasok ng China sa bansa, lalo na ngayong mid-term elections.

Ayon kay ‘Alyansa Para sa Bagong Pilipinas’ senatorial candidate at Senate Majority Leader Francis Tolentino, ang China ay matagal nang may mga galamay na Pilipino para pumabor dito ang ilang importanteng isyu, partikular ang usapin sa West Philippine Sea (WPS).

Sa katunayan, sa isang pagdinig ng Senate committee on Philippine Maritime and Admiralty Zones, ibinunyag ni Tolentino ang isang service agreement sa pagitan ng Chinese Embassy at Pilipinong kompanya na InfinitUs Marketing Solutions Inc. na may petsang August 23, 2023 para sa isang malawakang operasyon ng keyboard warriors.



Trabaho ng troll farms ng InfinitUS na mag-react, mag-comment, at mag-share sa kaugnay na social media posts at magpakalat ng mga impormasyon pabor sa China habang ginigiba naman ang mga lider at personalidad na itinuturing na anti-China at makabayan at maging ang mga institusyon ng Pilipinas.
May isang check na natanggap ang InfinitUS noong September 11, 2023 at ito’y nagkakahalaga ng P930,000.

Naniniwala ang isang pambatong kandidato ng Alyansa na si ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo na plano ng China na gumawa ng isang Senado na pro-China para manipulahin ang foreign polices ng bansa na papabor sa Beijing.

Parang ang model ng China ay si Alice Guo. Kung nagawa nitong maging mayor si Guo sa Bamban, Tarlac, gusto rin nito na makapagpasok ng mga kandidato nito sa Senado.

Kung nagkagulo sa isang maliit na bayan ng Bamban dahil kay Guo, hindi malayong magkaroon ng malawakan at matinding kaguluhan kung makakapasok sa gobyerno (partikular sa Senado) ang mga ahente ng China.

Siguradong babalik na naman ang POGO, lalala ang mga krimen ng pagdukot at pagpatay, titindi ang human trafficking, babaha ng shabu, atbp. At maaaring sakupin din ng China ang iba pa nating isla at karagatan. Ang galunggong nga, hinuhuli ng Chinese fishermen sa mismong dagat natin, niyeyelohan sa China, tapos ay ibinabalik sa Pilipinas para ibenta sa atin.



Ang nakapagtataka lang, sa gitna ng banta ng China sa ating pambansang seguridad at integridad ay nananatiling tahimik ang buong kampo ng PDP Laban ukol dito. Bakit kaya?

Huwag nating iboto ang mga kandidatong maka-China dahil hindi tayo ang poprotektahan ng mga ito kundi ang dayuhang puwersa.

At naniniwala tayo na ito ang matalinong gagawin ng mga botante sa halalan sa susunod na buwan dahil lumilitaw sa isang bagong survey ng Social Weather Stations na 75% ng respondents ang nagsasabi na kanilang iboboto ang isang kandidato na naninindigan laban sa pagiging agresibo ng China sa WPS.

***
Bigla yatang naglaho si reelectionist Senator Ronald “Bato” Dela Rosa? May arrest warrant na ba laban sa kanya ang ICC?

Matagal na kasing umuugong na naglabas na ng ICC arrest warrant laban kay Bato. Hmmm…kaya siguro can’t be reach na si Bato. Ayaw ni Bato makulong sa Netherlands!