Advertisers
Nahaharap sa pagkakasibak sa serbisyo ang 15 miyembro ng Police Regional Office 11 ( PROX1) o Davao Region nang magpositibo sa paggamit ng ilegal na droga base sa resulta ng isinagawang drug test.
Sa ulat ni PROX1 Director P/Brig. Gen. Leon Victor Rosete, bahagi ang drug test sa internal cleansing sa PRO-11 upang matiyak na drug-free ang Davao Region cops para maging karapatdapat ang mga ito sa kanilang mandato na magserbisyo sa publiko.
Ayon kay Rosete na iprinoproseso na ang dokumento ng dismissal laban sa mga parak na naligaw ng landas nang lumitaw sa drug test na positibo ang mga ito na gumagamit ng ilegal na droga partikular na ang shabu.
“Ang hakbang na ito ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng PRO-XI para linisin ang ating hanay ng mga indibidwal na sangkot sa ilegal na droga”, wika nito.
Aniya, binigyang diin ang pangako ng kanilang tanggapan na maging propesyunal ang mga tauhan nito para mapanatili ang tiwala ng publiko.
Gayunpaman, tumanggi muna si Rosete na tukuyin ang mga pangalan ng mga nagpositibo sa paggamit ng ilegal na droga dahil kinukumpleto pa ang proseso ng administratibo laban sa mga ito.