Advertisers
Tumitindi ang labanan sa pulitika lalo na sa mayoralty race sa lungsod ng Maynila kung saan may ilang kandidato ang inisyuhan ng show cause order mula sa Commission on Elections (Comelec).
Kabilang dito ang negosyanteng si Sam ‘SV’ Versoza na pinagpapaliwanag ng Comelec dahil sa umano’y vote buying habang si re-electionist Honey Lacuna inireklamo ng vote buying at access of state resources (ASR).
Kaliwa’t-kanan na rin ang campaign motorcade, house-to-house, campaign rally o caucus ng magkakatunggali sa Maynila.
Kamalailan, nagkaroon naman ng aberya ang campaign caucus ni Versoza sa Moriones nang patayan ng ilaw at sound system.
Hindi naman maalis sa kanyang mga tagasuporta na sinabotahe ang kanilang caucus na nataon pang nagsasalita sa entablado ang kandidato.
Nang suriin nakitang naputol o sadya umanong ‘pinutol’ ang malaking cable na konektado sa pailaw at sound system.
Dahil sa pangyayari, sinabi ni Versoza na “lalo lamang ninyo ginising at ginalit ang damdamin ng mga tao na naniniwalang hindi na dapat kayo makabalik sa pwesto.”
Samantala, sa pagpapatuloy ng caucus, sinabi ni Versoza na isa sa kanyang prayoridad ang pagtatayo ng senior citizen hospital o ospital na para lamang sa mga matatanda.
Pagtutuunan din raw niya ang mga vendor na mabigyan ng maayos na pwesto upang hindi na mahirapan sa pagtitinda.
Pakiusap niya sa mga Manilenyo, bakit hindi subukan ang bago para sa tunay na pagbabago. (Jocelyn Domenden)