Advertisers
DETERMINADO ang Commission on Elections (COMELEC) na kasuhan ang mga lokal na opisyal na nakatanggap ng show-cause order kaugnay ng umano’y vote-buying, kabilang sina Manila Mayor Honey Lacuna at Marikina 2nd District Representative Stella Quimbo.
Kasama sina Lacuna at Quimbo sa 19 na opisyal na pinadalhan ng Comelec ng show-cause order upang ipaliwanag ang mga alegasyon ng vote-buying at Abuse of State Resources (ASR).
“Napatunayan na naming na nagpa-file ang Comelec pagkatapos ng show-cause ng petition to cancel or disqualify iyong mismong kandidato,” pahayag ni Comelec chairperson George Garcia.
“Importante may show-cause muna para lang kahit paano may proseso. Alangan namang file kami ang file, bandang huli madi-dismiss din kam. At least may show cause muna,” dagdag pa niya.
Ayon pa kay Garcia, may mga nauna nang sitwasyon noong nakaraang Barangay at Sangguniang Kabataan elections kung saan sinuspinde ang proklamasyon ng ilang nanalong kandidato at may mga nadiskwalipika rin kahit naiproklama na.
“Gagawin din namin iyan. Wala namang distinction dapat, whether barangay or SK election or national or local election,” diin ni Garcia, na iginiit na walang pinapaborang kandidato o partido ang Comelec.
“Kung nakita niyo sa listahan ng iniisyuhan ng show case, wala pong parti-partido, wala po kaming tiningnan kahit na kung ano iyong posisyon. Lahat ng kailangang isyuhan at magpaliwanag, pinagpapaliwanag ng Comelec,” dagdag niya.