Advertisers
Umabot na sa 11 ang bilang ng naiulat na nasawi sa pang-aararo ng isang SUV sa ginanap na Lapu-Lapu festival sa Vancouver, Canada noong Sabado.
Ayon sa ulat, may edad mula 5 hanggang 65 ang mga nasawi.
Bukod sa naturang bilang, marami pa ang nasugatan kung saan ang ilan nananatiling nasa kritikal na kalagayan.
Agad din nadakip ang salarin, nang pagtulungang habulin ng mga nakasaksi, na sinampahan na ng British Columbia Prosecution Service ang suspek na si Kai-Ji Adam Lo, 30-anyos, ng walong bilang ng second degree murder at posibleng madagdagan pa ang kanyang kinakaharap na kaso.
Sa ulat, may history umano ang suspek ng “mental health-related” na enkuwentro sa mga awtoridad. Hindi umano konektado sa terorismo ang ginawa ng salarin.
Ayon sa Vancouver Police Department, nangyari ang insidente sa East 41st Avenue at Fraser Street 8:00 ng gabi.
Sa ulat, nagkakasiyahan ang mga tao bilang selebrasyon ng Lapu-Lapu Festival na taunang inoorganisa ng British Columbia Filipino community nang biglang managasa ang isang itim na Audi SUV. Nagliparan umano ang mga biktima dahil sa bilis ng sasakyan.
Nagpahayag naman ng pakikiramay at suporta si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga pamilya ng mga biktima at tiniyak na nakikipagtulungan na ang Philippine Consulate sa Vancouver sa Canadian authorities.
“I am completely shattered to hear about the terrible incident during a Lapu Lapu Day Block Party in Vancouver, BC, Canada.”
“On behalf of the Philippine Government and the Filipino people, Liza and I would like to express our deepest sympathies to the families of the victims and to the strong and thriving Filipino community in Canada,” pahayag ng Pangulong Marcos sa ipinalabas nitong statement.
‘We will work to provide more information as soon as we can, but at this time, Vancouver police have confirmed that there are several fatalities and multiple injuries,” ani Vancouver Mayor Ken Sim.
Nagpahayag din ito ng simpatya para sa mga naulilang pamilya.
Isinalarawan naman ni NDP leader Jagmeet Singh, na naroroon sa festival bago ang insidente, na isang ‘horrified’ ang naturang pangyayari.
‘I am shocked by the horrific news emerging from Vancouver’s Lapu Lapu Day Festival tonight. My thoughts are with the Filipino community and all the victims targeted by this senseless attack,’ post nito sa kaniyang social media.
Nagpasalamat din ito sa mga responders na agad na tumugon sa insidente.
Isinasagawa na ngayon ng Major Crime Section ng Vancouver Police Department ang imbestigasyon sa insidente ng mass casualty.