Advertisers
DIRETSAHAN tayo. Kung inaakala niyo nagiging makabayan ang posisyon ni Tolindoy sa balitang sumusuporta ang pulahang tsina at nakikialam sa halalan natin malamig na, bagkus panis na ang pansit na ipinakakain niya sa atin.
Pero bago ang lahat sino si Tolindoy sa inyong alaala? Si Tolindoy ay komedyante na sikat noong 1930s, sa entablado radyo at pinilakang tabing. Malimit katambal siya ni Chichay. Natawa lang ang inyong abang lingkod, na ihambing si Tolindoy sa persona ni Francis Tolentino na binansagan sa sarili na si “Tol.”
Napakahusay ni Tolindoy sa pagiging komedyante at kilala siya sa pagkakaroon ng epektibong “poker face” lalo na sa mga skit kung saan nagsisinungaling ngunit sa kalaunan nabibisto o nabubuking. Itong isang Tolindoy na nagpapanggap na Tol, magaling sa komedya na gamit niya sa pulitika. Nababanas ako sa nagpapanggap na Tolindoy dahil inaagawan niya ng eksena ang mga nararapat na nagbunyag ng nararapat na balita.
Case-in-point? Ang balitang nakikialam ang pulahang tsina sa napipintong halalan sa Mayo? Halatang obvious na minomonitor ito ng Hukbong Katihan at National Security Council (NSC). Nabanggit ito ni Jonathan Malaya, at mga kinatawan ng AFP. Wala ng bago sa lahat-lahat, at ano pa nga ba?
Ang estilo ni Tolindoy? Uunahan ang lahat at palabasin na siya ang una. Babrasuhin niya sila para siya ang una, siya ang maingay, at siya ang sikat sa lahat. Maging sa social media! Pansinin niyo sa Facebook (Meta), sa ikatlong thread na mababasa susulpot ang plataporma sa Pilipinas Today, atbp. kung saan may article o balita tungkol kay Tolindoy!
Laging may achievement lagi may magandang PR at lagi may papogi! Aaminin ko, sa balita mapang-uyam o cynical ako. Hindi ako maniniwala agad at susuriin kong maigi ang balita. Sa pulitiko, naku, daglian ang panunuri ko.
Ang nakita ko kay Tolindoy ay track record niya sa pamamahala ay nakasalalay sa pagiging pro-Duterte ng popularidad niya. Ngayon na wala nang dalawang linggo sang midterm elections desperado siya. Alam niya na mababa ang kanyang popularity ratings kaya mapupunta siya sa sa lusak, kasama ang mga talunan.
Nangangamba, nawiwindang, natatakot si Tolindoy sa kanyang magiging kapalaran sa pulitika.
***
BAKIT inendorso ni Leni Robredo sina Benhur Abalos at Manny Pacquiao? Ito ang palaisipan sa maraming sumusubaybay sa magulo nating pulitika. Dalawang panig ang nagpapahiwatig ng reaksyon: ang una, siyempre ang mga DDS, na kasapakat at kakampi ng serial killer na dating pangulo; at ang nga pro-Leni na masasabi ko masisidhi at maalab ang kanilang suporta para sa butihing biyuda ng taga Naga City.
Sa isang opinyon, iyong mga DDS na panatiko, iyong mga maka-Leni na panatiko din! Pero dito naghihiwalay ang paghahambing, at binubuklod sa panig ng panatiko at hibang; iyong nag-iisip sa mangmang, iyong nagninilay sa bahala na si Batman.
Totoo mahalaga ang endorso kahit mula sa maliit na pulitikong pang lokal, ngunit pag-aaralan ang saloobin at motibo ng magiging pasya at ang kinakaharap ng nag endorso. Nakikita ko ang pagpili sa dalawa ay naganap matapos ang maingat na pagsusuri at pagninilay.
Sa pagkatao? Bagama’t sumabak sila, at nabansagang mga trapo, si Pacquiao ginamit ang popularidad na tinatamasa niya bilang magaling na boksingerong pandaigdig ,si Abalos, dahil anak ni Benjamin ng angkan ng mga Abalos. Maraming oras ang bubunuin natin sa pag-aanalisa; ngunit sapantaha ng abang peryodistang ito, ang pagsanib-suporta ni Leni ay pagbabawas ng pogi-points ni Inday Sara at Camille Villar.
‘Eka nga ni Conan, “the enemy of my enemy is my friend”. Ang hakbang ni Leni ay pumabor ng napakalaki sa adhikain ng administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr. Huwag na nating pakinggan ang litanya na “politics is addition” dahil kalokohan ito.
Si Sara kinakalaban si Marcos; nagsanib pwersa si Sara at Camille na kumakatawan kay Cynthia Villar at angkan ng mga Villar. Sa ginawa ni Marcos nahati ang pwersa ng mga DDS! Huwag na natin pag usapan ang kampo ni Imee at Cynthia dahil kumbaga sa mahjong mga joker lang sila. Sa maikling panahon na nalalabi bago ang halalan masasabi ko tapos na ang boksing.
***
mackoyv@gmail.com