Advertisers
Kasalukuyan pa rin nakikipaglaban kay kamatayan ang tatlong indibidwal kabilang ang kumakandidatong Sangguniang Bayan o SB nang pagbabarilin sa Barangay Bungad, San Pablo, Isabela.
Kinilala ni PCol. Lee Allen ‘LABB’ B. Bauding, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office o IPPO ang mga biktima na sina Mark Jhon Paul Tipon, 34-anyos at kandidato sa Sangguniang Bayan; Mark Francis Antonio, 25; at Jhon Lloyd Duran, 21, pawang mga residente ng Barangay Poblacion, San Pablo, Isabela.
Sa ulat, 9:40 ng gabi, ng Abril 25, 2025, sakay ang mga biktima ng isang pick-up nang pagbabarilin ng mga salarin na lulan ng isang puting Toyota Hi-Lux pick-up (Conquest) kung saan nagtamo ng mga tama ng bala ng baril ang mga biktima na agad namang isinugod sa Milagros Albano District Hospital sa Cabagan, Isabela para sa agarang medikal na atensyon at kalaunan inilipat sa isang ospital sa lungsod ng Tuguegarao.
Dahil sa direktiba ni PCol. Bauding na agad magsagawa ng hot pursuit operation at agad din tumugon ang mga tauhan ng San Pablo Municipal Police Station, katuwang ang 1st Isabela Provincial Mobile Force Company at 205th Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 2.
Nadakip ang dalawang salarin na pansamantala itinago ang kanilang pagkakilanlan 11:10 ng gabi sa Barangay Poblacion, San Pablo, Isabela.
Narekober mula sa pag-iingat ng mga salarin ang isang kalibre .45 na baril na kargado ng pitong bala; isang magazine ng kalibre .45 na kargado rin ng pitong bala: isang black gun holster; apat na karagdagang bala ng kalibre .45; isang fan knife; at isang white Toyota Hi-Lux pick-up (Conquest) na umano’y ginamit sa krimen.
Hanggang sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng pulisya kung ano ang motibo at nasa likod ng nasabing krimen upang matukoy ang motibo sa likod ng pamamaril. (Rey Velasco)