Advertisers

Advertisers

GINAGAWANG LUCENA GENERAL HOSPITAL SA QUEZON, NAKATIWANGWANG!

0 31

Advertisers

Pinuna ng netizens ang nakatiwangwang na malalaking gusali ng isang panukalang ospital sa lalawigan ng Quezon .

Sa post sa social media ng Quezon Province News and Updates, sana ay inayos muna at pinaganda ang serbisyo ng Quezon Memorial Center o QMC noong 2021 na nanlilimahid sa dumi, kulang sa mga doktor, nurses at espesyalista , maraming kulang na pasilidad, kulang sa bed capacity at ginawa pang tambakan ng basura ang basement.

Puna pa ng netizens, illegal na pinagawa ni Quezon 2nd District Congressman David “JayJay” Suarez ang mga gusali ng kanyang panukalang Lucena General Hospital sa isang agricultural land sa Brgy. Mayao Parada, Lungsod ng Lucena, na kasama sa Network of Protected Areas for Agricultural and Agro-industrial Development (NPAAAD) at Strategic Agriculture and Fisheries Development Zone (SAFDZ) sa ilalim ng Repbulic Act No. 8435 o ang Agriculture and Fisheries Modernization Act.



Ang nasabing lupain ay isang “Prime Agricultural Land” sa Lungsod ng Lucena na may mataas na produksyon ng palay dahil sa sapat na irigasyong napatayo sa pamamagitan ng pondo ng pamahalaan kaya ang proyektong ito ay tahasang paglabag sa RA 8435.

Bukod pa rito, marami pa rin aniyang paglabag si Suarez nang ipatayo ito sapagkat walang anumang konsultasyon at koordinansyong naganap sa DOH at sa iba pang kinauukulan, wala ring “Permit to Construct” mula sa DOH, walang Hospital Development Plan at higit sa lahat walang anumang ordinansa o batas na nagtatakda ng upang matatag ang Lucena General Hospital.

Nang simulan ang proyektong ito noong 2021, walang anumang panukalang batas ang naisulong si Cong. Jay Jay Suarez sa Kamara, gayun din ang kanyang asawang si ALONA Partylist Representative, Cong. Anna Villaraza Suarez at ang kanyang ina na noon ay Quezon 3rd District Representative, Cong. Aleta C. Suarez, upang legal na maitayo ang Lucena General Hospital.

Wala ring ordinansa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon na noon ay pinamumunuan ng kanyang ama na si Former Governor Danny Suarez.

Ang kakulangang batas o ordinansa para sa proyektong ito ang disin sana ay magtatakda ng operasyon at serbisyo ng nasabing panukalang ospital.



Sa kabila nito, nagkaroon pa rin ng Ground Breaking Ceremony kasama si Senador Bong Go na naglaan ng pondo para sa nasabing proyekto.

Matapos mabisto ang kawalan ng legal na basehan ng pagtatayo ng ospital, agarang naghain si Suarez sa Kamara ng panukalang batas na naaprubahan naman sa Bicameral Conference at lagda na lamang ng Pangulo ang kulang.

Nakasaad sa panukala na ang DOH ang magpapatakbo ng Level 1 Hospital ngunit ang lupa ay sinasabing naka donate at pagmamay-ari ng lalawigan ng Quezon ngunit sa kabila nito naroroon pa rin ang paglabag sa RA 8435 na tahasang maka-aapekto sa produksyon ng bigas at sa mga magsasakang dito ay umaasa ng kabuhayan.

Nabatid na ang lupang pinagtayuan ng ospital ay parte lamang ng malawak na lupaing sakahan ng Unisan Farms sa Brgy. Mayao Parada na dinonate umano sa gobyerno. Ang Unisan Farms ay isang family corporation na pag-aari ng mga Suarez.

Samantala, pinangako naman ni Suarez na mag-ooperate ang naturang ospital noong 2024 subalit hanggang ngayon ay nakatengga pa rin ito at di napakikinabangan ng mga taga-Quezon ang milyon- milyong pondong inilaan para dito.