Advertisers
HINDI ngayon hadlang sa isang batikang mamahayag na maglaan ng kanyang panahon sa mga mamamayan sa lungsod ng Paranaque sa pamamagitan ng tapat at totoong serbisyo matapos ang mahigit 30 taon karanasan, pakikisalamuha sa ibat-ibang klase ng mga tao — mataas man ang katungkulan sa gobyerno o ordinaryong mamamayan.
Kaya naman sa pagkakataong ito, si Ariel ‘Dugoy’ Fernandez, reporter ng Manila Bulletin, stringer ng GMA 7 ay nagdesisyon na maglingkod sa mga taga-Parañaque para Konsehal sa 1st District upang ibahagi niya ang mga biyaya na natanggap mula sa pagpapala ng Panginoon.
Ayon kay Fernandez, isusulong niya ang mga ordinansa na mararamdaman ng mga mamamayan kung saan ay makararating sa kanila ang mga tamang impormasyon upang sa gayun ay malaman nila ang mga dapat gawin para makamit ang mga tulong serbisyo sa lungsod.
Sa karanasan bilang isang mamahayag, kinakailangan ang patas at walang kinikilingan na serbisyo ang dapat na maramdaman ng mga tao, iparating sa kanilang ang tunay na kaganapan o nangyayari sa pamahalaang lungsod, walang dapat na ‘itago’ at pinoprotektahan.
Si Fernandez o mas kilala sa tawag na ‘Dugoy’ ng mga kasamahan sa media, ay naging aktibong Pangulo ng Southern Metro Manila Press Club (SMMPC) , isang samahan ng ibat-ibang mamamahayag (tri-media) na nakatalaga sa southern part ng Metro Manila.
Siya rin ay Pangulo ng Airport Press Club (APC) na binubuo ng ibat-ibang media organization na kumokober sa ilang private at government agencies na nasa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminals complex.
Si Fernandez ay ipinanganak sa Tabon-Tabon, Leyte noong Mayo 12,1973 at pang-apat sa limang magkakapatid.
Pulis ang kanyang amang si Alberto Fernandez at ang kanyang ina naman na si Leoncia Garcela Fernandez ay naging barangay kagawad sa kanilang bayan.
Sa murang edad na 9, nagtitinda na ng isda sa palengke si Ariel habang tuwing Linggo ay makikita mo siyang kasama ang ibang mga bata bilang “takatak sigarilyo” vendor sa loob ng sabungan. Hindi naman nakakalimutan ni Ariel na dumaan ng simbahan sa kanilang bayan kapag pauwi na mula sa pagtitinda.
Naging kaibigan ni Ariel ang mga sakristan sa simbahan kaya napansin ni Fr. Sonny Merida na ito ay maka-diyos kaya kinumbinsi siya na pumasok bilang sakristan o magsilbi sa simbahan bilang Knights of the Altar.
Dahil sa taglay na kabaitan ay kinupkop si Ariel ni Fr. Sonny at itinuring na anak kung saan pinag-aral siya mula high school hanggang makapagtapos ng dalawang taong kurso sa kolehiyo.
Habang nag-aaral sa probinsiya, pumasok siya bilang part time radio reporter sa DYBR Radio Tacloban. Nang makatapos sa kanyang two-year course sa Leyte Institute of Technology Tacloban, naisipan ni Ariel na lumuwas sa Maynila kung saan nagtrabaho siya bilang janitor sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System sa Buendia, Makati branch.
Kahit namamasukan siya sa umaga, pinilit niyang makapag-aral sa Arellano University sa kursong Political Science.
Si ‘Dugoy’ ay nagkaroon ng pagkakataon na makapagtrabaho sa ilang radio stations sa Metro Manila at taong 2015 nang manirahan sa Barangay San Isidro, Parañaque City. ( JOJO SADIWA )