Advertisers
Ipinahayag kamakailan ni OFW partylist Rep. Marissa “Del Mar” Magsino na kaniyang sususportahan ang lumalawak na interes ng mga bansa tulad ng Malta at Albania sa pagtanggap ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Napaulat sa Department of Migrant Workers (DMW), mas mataas ang demand para sa mga caregiver, cook, waiter, machine operator, accountant, salesperson, at bus driver sa Malta, na may buwanang sahod mula ₱64,000 hanggang ₱250,000 habang ang Albania ay nagaalok ng halos 20,000 trabaho sa sektor ng hospitality..
Kaugnay nito Iginiit ni Magsino na bagama’t magandang senyales ang pagkilala sa kasipagan ng mga Pilipino, kinakailangan ng gobyerno ng malinaw na polisiya para sa makatarungang pagproseso ng deployment ng mga manggagawang Pilipino sa mga bagong host country.
Nanawagan din si Magsino sa DMW na agad makipag-ugnayan sa mga bansang tulad ng Malta at Albania upang matiyak na ang mga inaalok na trabaho ay may sapat na proteksyon at mekanismo ng tulong para sa mga OFW.
Gayundin, ipinahayag ng mambabatas ang pangangailangan para sa mas matibay na regulasyon sa labor migration, at masusing pagsusuri sa mga bansang pinapadalhan ng mga manggagawa upang matiyak ang kanilang kaligtasan at dignidad.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng patuloy na skills training mula sa TESDA at ng reintegration programs ng OWWA upang matulungan ang mga OFW na maging handa sa mga bagong oportunidad.